ni Bert de Guzman
MAY 4.5 milyong Pilipino ang walang trabaho noong nakaraang taon, pinakamarami sa nakalipas na 15 taon, bunsod ng COVID-19 na nakaapekto sa kabuhayan at negosyosa Pilipinas. Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), binanggit ang mga unang resulta ng 2020 Annual Estimates of Labor Force Survey na nagpapakitang ang unemployment rate o antas ng kawalan ng trabaho ay tumaas ng 10.3 porsiyento, katumbas ng 4.5 milyong Pinoy na walang trabaho. Sinabi ni Dennis Mapa, isang national statistician, ito raw ang pinakamataas na rekord ng unemployment rate sapul noong Abril 2005. Repleksiyon umano ito ng iba’t ibang community quarantine restrictions, pagsasara ng mga negosyo at physical distancing measures na ipinataw noong Marso 2020 dahil sa pananalasa ng pandemic.
Noon daw 2019, ang kawalang-trabaho (unemployment) ay 5.1 porsiyento lamang. Sa pagsisikap ng gobyerno na makontrol ang paglaganap ng virus noong nakaraang taon, nagpatupad ito ng mga quarantine restriction na naging dahilan ng pagsasara ng mga negosyo o pagbabawas ng mga empleado ng mga kompanya at pabrika.
Ang impact ng pandemic ay lumala pagkatapos ng pitong buwan nang magsara ang libu-libong negosyo, ang ilan ay pansamantala at ang iba ay permanente samantalang ang mga tao ay inatasang manatili sa bahay.
Nabasa o narinig na ba ninyo ang poll survey na nananawagang tumakbo sa pagka- vice president si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) katambal ni Sen. Bong Go sa pagka-pangulo sa 2022 ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP)?
Kung paniniwalaan ang survey na inilathala ng isang English broadsheet, ang tambalang Go-Duterte ay tumanggap ng 32 porsiyento sa buong bansa, 62% approval sa Mindanao at 39% sa Visayas.
Nag-isyu ang PDP ng isang resolusyon na humikayat kay PRRD na tumakbo sa pagka- pangalawang pangulo sa 2022 upang maipagpatuloy ang mga programa ng gobyerno.
May 32 lider ng PDP ang lumagda sa resolusyon na nagsasaad na "since 2016, the government under the able leadership of our Party Chairman, President Rodrigo Roa Duterte, has made great strides in its battle against the scourge of drugs, terrorism, insurgency, corruption and poverty." Kung si Mano Digong daw ay tatakbo bilang VP sa 2022, ang pinakamalakas na katambal niya ay si Sen. Christopher Lawrence "Bong" Go, ayon sa survey na nakuha ng English broadsheet mula sa Pulse Asia.
Naniniwala ang Pulse Asia na kung ang halalan ay gaganapin ngayon, malamang na si Go ang manalong presidente kung itatambal kay PRRD. Ang poll survey ay ginawa noong Pebrero 10-19, 2021. As usual hindi na naman ako natanong sa survey na ito.
Ang susunod na pambansang eleksiyon ay gaganapin sa Mayo 2022. Ang paghahain ng certificate of candidacy ay sa Oktubre 1 hanggang Oktubre 8.
Samantala, tinalo ng tambalang Bongbong Marcos-Manny Pacquiao ang Go-Duterte tandem sa Metro Manila. Sila ay tumanggap ng 22 porsiyento kumpara sa 21% nina Go-Duterte. Sa balance of Luzon naman, nangunguna sina Sen. Grace Poe at Sen. President Vicente "Tito" Sotto na nagtamo ng 30% samantalang ang Go-Duterte at Marcos-Pacquiao ay tumanggap ng tig-18 porsiyento.
Mga kababayan, malayo pa ang eleksiyon. Ang isipin muna natin ay pag-iwas at pagsugpo sa COVID-19 na hanggang ngayon ay ayaw pang umalis sa Pilipinas.