Nina ELLSON QUISMORIO at BELLA GAMOTEA
Ipatutupad na ang uniform curfew sa Metro Manila simula Marso 15.
Ito ang kinumpirma ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, sa isang virtual press conference nitong Huwebes ng gabi.
Tatagal aniya ang curfew ng dalawang linggo na incubation period ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ipinasya ng Metro Manila Council (MMC) na magpatawag ng pagpupulong nitong Huwebes ng gabi upang talakayin kanilang hakbang kasunod nang pagkaalarma sa tumataas na COVID-19 cases.
Nilinaw nito, ginagawa na ang resolusyon sa usapin at inaasahang pipirmahan ng 17 na alkalde na miyembro ng MMC. Ang MMC ay tagagawa ng polisiya ng MMDA.
“Siguro naging lax na rin po ang ating mga kababayan, COVID fatigue, hindi na nagma-mask. Nadagdagan pa nitong UK variant,” sabi ng opisyal.
Inihayag din nito na ang Marso 15 ay unang anibersaryo ng mahigpit na lockdown na ipinatupad ng gobyerno nang ideklara ang COVID-19 pandemic.
Nagkataon lamang aniya ang nasabing petsa ng uniform curfew.
“Kung bumaba naman tatanggalin agad,” aniya.
Ipaiiral aniya ang uniform curfew, bukod pa ang ipinatutupad na granular o isolated lockdowns sa nga high-infection area.