ni Ellalyn De Vera-Ruiz
Patuloy pa sa pag-aalburoto ang Taal Volcano matapos na maitala ang 51 pang pagyanig nito sa nakalipas na 24 oras.
Sa pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), kabilang sa nasabing bilang ang 23 na mahihinang paglindol na tumagal ng dalawa hanggang anim na minuto.
Napansin din ng Phivolcs ang pagbuga ng usok ng bulkan at umabot ito ng limang metro.
Nitong Marso 11, natuklasan ng Phivolcs na aabot sa 795 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinubuga ng bulkan kada araw.
Aabot din sa 71.8 degrees Celsius ang naramdamang init sa main crater nito.
Dahil sa nasabing volcanic activity, nananatili pa ring nasa level 2 ang alert status nito .
Kaugnay nito, pinayuhan ng ahensya ang publiko na huwag lumapit at pumasok sa ipinaiiral na permanent danger zone dahil sa posibleng pagbuga ng volcanic gas nito.