ni Mary Ann Santiago
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na hanggang nitong Marso 9 ay nakapagtala na sila ng 21 seryosong adverse events sa isinasagawang pagbabakuna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, ang mga naturang serious adverse events following immunization (AEFI) ay naitala nila hanggang nitong Marso 9 lamang.
Sinabi ni Vergeire na 20 sa mga naturang pasyente ay nakatanggap ng Sinovac jab habang isa naman ang naturukan ng AstraZeneca vaccine.
“‘Yung iba ay nahirapan huminga, ‘yung iba ay sumakit ang dibdib. Ito po ay kino-consider nating serious at pinag-aaralan po kung ano ang causality nito,” pahayag pa ni Vergeire, sa isang virtual briefing.
Idinagdag pa niya na hinala ng National Adverse Events Following Immunization Committee na ilan sa mga naturang naitalang adverse events ay dulot ng anxiety/pagkabalisa o takot sa pagbabakuna.
Nagsasagawa na rin aniya ang mga eksperto ng mas malaliman pang pag-aaral upang tukuyin kung alin sa mga naturang seryosong AEFIs ang na-trigger ng mga bakuna laban sa COVID-19.