ni Minka Klaudia Tiangco
Tinanggal sa puwesto ang isang opisyal ng Manila Police District (MPD) matapos matuklasang kulang ang ikinalat na tauhan sa mga lugar na isinailalim sa lockdown, nitong Huwebes.
Ito ang kinumpirma ni MPD-Public Information Office chief, Lt. Col. Roberto Mupas at tinukoy ang opisyal na si Lt. Col. Cris Duque, hepe ng Remedios Police Community Precinct sa Malate sa Maynila.
Aniya, isinagawa ni MPD director, Brig. Gen. Leo Francisco, ang “judgment call” na sibakin sa posisyon si Duque matapos siyang lumibot sa mga barangay na isinailalim sa lockdown na dulot ng pagtaas ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), kamakalawa ng gabi.
“It only shows na ang district director namin ay seryoso sa pag-implement ng lockdown protocols, kahit madaling araw nag-iikot para masigurado ang tao na lockdown talaga,” banggit ni Mupas.
Ang tinutukoy na lugar na ini-lockdown ng Manila City government nitong madaling araw ng Huwebes ay Bgy. 351 at Bgy. 725 sa Malate.
Kasama rin sa isinailalim sa lockdown ang Malate Bayview Mansion at Hop Inn Hotel sa Bgy. 699 sa Malate.
Magtatapos ang lockdown sa Marso 14.