Ni CZARINA NICOLE ONG KI
Pinatunayan ng Sandiganbayan na umiiral pa rin ang ‘ghost employees’ sa pamahalaan.
Ito ang binigyang-diin ng anti-graft court sa kanilang desisyon na tumapos sa nasabing usapin sa tanggapan ng namayapang si Quezon City Councilor Francisco Calalay, Jr.
Gayunman, inabsuwelto ng naturang hukuman si Calalay at ang Liaison Officer nito na si Flordeliza Alvarez, sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act 3019) at 18 counts ng falsification case.
Matatandaang kinasuhan sina Calalay at Alvarez dahil sa pagkuha ng “ghost employees” mula Enero hanggang Nobyembre 2010. Mahigit sa P2.17 milyon ang inilabas ni Calalay para sa suweldo ng mga ito.
Ayon sa hukuman, tanging si Alvarez na lamang ang dumadalo sa paglilitis nang namayapa si Calalay noong 2016.
Paglilinaw ng korte, hindi akmang ilarawan si Alvarez bilang manlololo dahil wala namang ebidensyang nakinabang ito sa ‘ghost employee’ scheme.
Binigyang-diin ng korte na si Calalay ang lumikha at nagpapanatili sa mga ‘ghost employee’ sa payroll system at siya rin ang may kontrol sa payroll records.
Sa testimonya ni Alvarez, sinabi nito na ibinibigay lamang sa kanya ni Calalay ang record na pirmado na ng nasabing konsehal at nakalagay din ang mga pangalan, posisyon at suweldo ng bawat isa sa mga ito.
“All Alvarez did was submit the General Payrolls, Obligation Requests, Service Certifications, and other relevant documents to the Personnel Department. No iota of evidence showed that she had any intent to pervert the truth of their contents. Therefore, there is no criminal liability. Rather, accused Calalay is blameworthy for the ‘fraudulent scheme,’ and the buck stops there,” pagdidiin ng korte.
Sa kabila ng paniniwala ng hukuman na si Calalay ang may pakana nito, pinawalang-sala na rin nila ito dahil na rin sa kanyang pagpanaw.