ni Mary Ann Santiago
Isang lalaking itinuturing na No. 1 most wanted person (MWP) sa Tigbauan, Iloilo at kasabwat nito, ang napatay nang manlaban umano sa mga awtoridad habang sinisilbihan ng warrant of arrest sa Antipolo City, nitong Miyerkules ng gabi.
Isa sa mga napatay ay nakilalang si Reagan Gepulango, na umano’y most wanted ng Tigbauan Municipal Police Station (MPS), habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng kanyang kasamahan na napatay din sa engkwentro.
Sa ulat ng Antipolo City Police, ang insidente ay naganap sa Blue Mountain, Bgy. Sta. Cruz, dakong 6:50 ng gabi.
Nauna rito, nagtungo ang mga tauhan ng Anti-Kidnapping Group-Luzon Field Unit (AKG-LFU), Antipolo Police, Tigbauan MPS at Provincial Drug Enforcement Group, sa naturang lugar upang silbihan sana ng mga warrant of arrest si Gepulango dahil sa iba’t ibang kasong kinakaharap nito.
Gayunman, nakatunog ang suspek at ang kasabwat nito sa pagdating ng mga pulis kaya’t kaagad na pinaputukan ang mga ito.
Napatay ang dalawa matapos ang makipagbarilan sa kanila ang mga awtoridad.
Narekober ng mga awtoridad mula sa suspek ang isang Ingram Cal. 9mm na may magazine, dalawang Cal. 5 na may magazine at hindi pa madeterminang halaga ng shabu.
Sa record ng pulisya, si Gepulango ay sangkot sa iba’t ibang kaso kaya’t itinuring siyang No. 1 MWP sa Tigbauan.
Itinuturo siyang sangkot sa pagpatay sa isang Jose Leo sa Tigbauan noong Abril 26, 2021.
Bukod dito, may mga nakabinbin rin siyang warrant of arrest sa iba pang mga kaso na may kinalaman sa ilegal na pag-iingat ng baril, carnapping, at bigong pagpatay