ni Ric Valmonte
“Nananawaganako sa mga hukom na maging maingat dahil ang search at arrest warrant ay nangiging death warrant, na labag sa Bill of Rights,” wika ni Atenedo de Manila University’s School of Government dean Antonio La Vina sa isang press briefing. Ang konteksto ng winikang ito ni dean La Vina ay ang pagkapaslang ng 9 na aktibista sa sabay-sabay na pagsalakay ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa Cavite, Rodriguez, Rizal at Nasugbu, Batangas nitong nakaraang linggo ng umaga. Halos lahat ng mga biktima ay napatay sa loob ng kanilang tahanan. Ayon sa mga awtoridad, isinisilbi nila ang search warrant sa mga ito upang makapaghalughog ng mga armas at pampasabog na nasa kanilang pag-iingat. Nanlaban sila, anila, kaya sila napatay.
Ang eksenang ganito ay pangkaraniwang nang nagaganap. Kung noong kasagsagan ng pagpapairal ng war on durgs, walang araw na lumilipas na walang napapatay na mga sangkot sa droga, halos ganito na kadalas ang napapatay sa hanay ng mga aktibista. Kung noon, may narcolist, ngayon naman, red-tagging at batas laban sa terorista.
Pero, pareho lang ang dahilan ng pagpaslang sa mga ito. Nanlaban. Ang pagkakaiba naman ay sa kaso ng mga aktibista, may ginagamit ang autoridad na seach warrant at arrest warrant. Kaya, nananawagan si Dean La Vina sa mga hukom na maging maingat sa pagiisyu ng search o arrest warrant upang hindi ito maging death warrant.
Paano naman kasi, eh naging mamera na ang search warrant. Nagisyu ang Korte Suprema ng Court Circular No. 3-8-2-SC na pinahihintulutan ang mga korte sa Metro Manila na magisyu ng search warrant na pwedeng magamit kahit saang lupalop ng bansa. Ang search warrant na ginamit ng mga pulis at sundalo sa pagsalakay sa Cavite, Rodriguez Rizal at Nasugbu Batangas ay kanilang nakuha sa Manila Vice Executive Judge Jose Lorenzo dela Rosa at Manila RTC Judge Jason Zapanta. Nagbunga ang knailang inisyu ng pagkamatay ng 9 na aktibista. Si Judge dela Rosa rin ang naglabas ng warrant noong nakaraang Disyembre na ginamit ng mga pulis sa kanilang operasyon sa Panay Island na ikinamatay ng siyam na kasapi ng Tumandok indigenous community na tumututol laban sa dam project sa kanilang ancestral land.
Dahil ang inisyung warrant ng mga hukom sa Maynila ay epektibo kahit saang lugar, makakapamili ang autoridad kung kanino sila kukuha nito. Madali pa ang paraan ng pagkuha. Tama si Atty. Kristina Conti ng Public Interest Law Center na sa pagdinig ng hukom ng Quezon City sa kahilingan para sa search warrant, dapat isaalangalang niya kung paano at bakit ang testigo sa kasong illegal possession sa Bacolod ay napunta sa Quezon City na nagdedeklara ng kanyang nalalaman.
Dapat isaisip ng mga hukom na sa pagisyu nila ng search warrant ngayon inilalagay nila sa kamay ng kanilang binigyan ang buhay ng kanilang kapwa. Kaya, kung mamera ang search warrant, mamera na rin ang buhay ng tao