Ni MARY ANN SANTIAGO
Isang lola ang napatay nang makulong sa nasunog nilang tahanan sa Malate, Manila kahapon ng madaling araw.
Ang bangkay ng biktimang si Lyndia Montero Bernal, 69, at residente ng Pablo Ocampo St., Malate, ay natagpuan ng mga bumbero sa loob ng banyo ng kanilang natupok na tahanan.
Batay sa ulat ng Manila-Bureau of Fire Protection, dakong 3:00 ng madaling araw nang sumiklab ang apoy mula sa ground floor ng tatlong palapag na tahanan ng isang Danilo Arce, sa 684 P. Ocampo St..
Mabilis na kumalat ang apoy dahil pawang gawa sa light materials ang kabahayan sa lugar. Halos wala nang nailigtas na kagamitan ang mga residente na kaagad na nagsilikas mula sa kanilang nasusunog na mga tahanan. Ayon sa anak ng ginang na si Lilibeth Bernal, una nilang tinulungang makalikas ng bahay ang kanilang ama, na matanda na rin, ngunit nagulat sila na hindi pala sumunod ang kanilang ina.
Ilang oras umano nila itong hinanap at labis ang kanilang pagdadalamhati nang matagpuan ang bangkay nito.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago naideklarang fire out dakong 6:15 ng umaga. Umabot sa 80 bahay ang tinupok ng apoy at 200 pamilya ang apektado