MATAPOS malinis ni Secretary Roy Cimatu ng Department of Environment and Natural Resources ang Boracay makalipas ang limang buwan noong 2018, iniutos naman ni Pangulong Duterte sa kanya na sunod na linisin ang Manila Bay. Nakita ng kalihim na maraming beses na mas malaki ang problemang kinahaharap ng Manila Bay kumpara sa Boracay, at sinabi sa Pangulo na aabutin ng higit sampung taon bago maisakatuparan ang paglilinis ng bay.
Ang polusyon sa Manila bay ay resulta ng ilang dekadang pagpapabaya, mula sa milyon-milyong kabahayan na nakatayo sa gilid ng mga sapa at ilog na kadugtong ng Ilog Pasig na dumadaloy hanggang sa Manila Bay. Itinatapon ng milyon-milyong bahay na ito ang kanilang mga basura at human sewage direkta sa mga daluyan at patungo sa Ilog Pasig. Sa kasalukuyan, itinuturing na hindi ligtas para sa paggamit ng tao ang tubig ng Manila Bay.
Noong 2008, bilang pag-aksiyon sa petisyong inihain ng Concerned Citizens of Manila Bay, ipinag-utos ng Korte Suprema sa DENR at ibang ahensiya ng pamahalaan na linisin ang bay sa loob ng sampung taon.
May dalawang concessioners na nagsu-supply ng tubig sa Metro Manila – ang Maynilad, na nagsisilbi sa West Zone ng Greater Manila Area —bahagi ng Maynila, bahagi ng Quezon City, bahagi ng Makati, at Caloocan, Pasay, Paranaque, Las Piñas, Muntinlupa, Valenzuela, Navotas, at Malabon. Habang ang Manila Water ay nagsisilbi sa East Zone – Mandaluyong, Makati, Pasig, Pateros San Juan, Taguig, Marikina, bahagi ng Maynila at Quezon City, at sa ilang bayan ng Rizal.
Nitong nakaraang buwan, inanunsiyo ng Manila Water na sinimulan na nito ang pagtatayo ng ikalawang sewage treatment plant na nagkakahalaga ng P4.2 billion. Inaasahang makukumpleto ang planta pagsapit ng 2024. Habang ang full sewer at sanitation coverage ay inaasahan sa 2037.
Inanunsiyo rin ng Maynilad nitong nakaraang buwan na ang pagtatayo ng tatlong bagong treatment plants, na nagkakahalaga ng P7.15 billion, ay matatapos na ngayon taon. Mayroon nang kabuuan na 22 wastewater facilities ang Maynilad. Habang inaasahang makukumpleto, 100 porsiyento, ang full sewerage at sanitation coverage sa 2037.
Ang taong 2037 ay malayo pa sa hinaharap—16 na taon. Ngunit makalipas ang mga nagdaang dekada ng pagdurusa sa polusyon ng Manila bay, makahihintay tayo ng ilan pang taon upang masaksihan ang malinis na Manila Bay, na maaaring mapasama sa listahan ng pinaka magagandang anyong tubig sa mundo ngayon