ni Marivic Awitan
MULA sa 97 kabuuang 86 lamang ang pormal na makakalahok sa isasagawang Annual PBA Rookie Draft sa Marso 14.
Nangunguna sa listahang inilabas ng PBA ang mga potensiyal na top picks na sina Joshua Munzon at Jamie Malonzo. Ang dalawa ay kabilang sa kabuuang 20 mga Fil-foreigners na kasama sa mga pagpipilian sa idaraos na virtual draft kung saan ang koponan ng Terrafirma ulit ang nagmamay-ari ng first overall pick.
Nabigong makasama sa listahan ang mga ABL stars na sina Jason Brickman, Jeremiah Gray at Brandon Ganuelas-Rosser matapos na hindi makapagsumite ng kaukulang mga dokumento hinggil sa kanilang citizenship.
Gaya nila na hindi rin nakapagbigay ng certication mula sa Bureau of Immigration at certificate of recognition mula sa Department of Justice sina Taylor Statham at dating De La Salle University forward na si Tyrus Hill.
Gayunman, ang nasabing talaan ay nananatili pa ring isa sa pinakakargado o malalim sa kasaysayan sa dami ng mahuhusay na puwedeng pagpilian kabilang na sina 3x3 stars Alvin Pasaol at Santi Santillan at dating NCAA Most Valuable Player Calvin Oftana. Samantala, apat sa nasabing 86 na mga manlalaro ang nakatakdang kunin para sa national team sa isasagawang special Gilas Pilipinas round na kinabibilangan nina Jordan Heading, Jaydee Tungcab, Tzaddy Rangel at William Navarro.