Ni FER TABOY

Sinibak na sa puwesto ang isang pulis na nagpaputok ng baril matapos na masangkot sa vehicular accident sa Dasmariñas City, Cavite, kamakailan.

Ito ang kinumpirma ni Dasmariñas City Police chief, Lt. Col. Abraham Abayari at kinilala nito ang pulis na si SSgt. Ismael Dulin, nakatalaga sa Warrant Section ng nasabing presinto.

Aniya, dinisarmahan na rin nito si Dulin habang iniimbestigahan ito sa kinasasangkutang insidente.

Eleksyon

Camille Villar, bahagi pa rin ng ‘Alyansa’ ni PBBM

Inaresto aniya ng mga miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team si Dulin kaugnay ng insidente.

Matatandaang nag-viral sa social media ang insidente kung saan nakitang nakabangga ng isang drak gray na kotse na minamaneho ni Dulin ang isa ring kotse sa kabilang lane.

Gayunman, pinaharurot umano ng pulis ang kanyang sasakyan kaya ito hinabol at pinagbabato ng mga tricycle driver.

Depensa naman ni Dulin, itatabi sana nito ang kanyang kotse nang bigla itong pagbabatuhin kaya ito nagpaputok ng baril upang ipagtanggol ang sarili.