SA wakas ay nagsimula na ang COVID-19 vaccination program ng Pilipinas. Sa nakalipas na mga linggo, nakababasa lamang tayo patungkol sa ilang mga bansa tulad ng United States na binabakunahan ang daan-daang milyong mamamayan nito. Ngayon kabilang na ang Pilipinas sa listahan sa pagsisimula ng sariling mass-vaccination program nitong nakaraang Lunes, Marso 1, matapos tumanggap ng unang shipment ng 600,000 doses ng CoronaVac vaccine ng China.
Nakatakdang magpadala ang China ng karagdagang 400,000 doses para sa kabuuang donasyon na isang milyong CoronaVac doses, ayon kay Pangulong Duterte. Maging ang Pangulo ay naghihintay para sa panibagong bakuna ng China na gawa ng Sinopharm, na aniya, ay ipinayo ng kanyang doktor na gamitin matapos ang pagtataya na mas mainam ito para sa matatanda.
Nitong Huwebes ng gabi, isang shipment ng 525,600 doses ng AstraZeneca vaccine ng United Kingdom ang dumating at sinimulang gamitin kinabukasan. Ang AstraZeneca vaccines ay mula sa COVAX Facility for Global Access (COVAX), na inorganisa ng World Health Organization (WHO) katuwang ang Global Alliance for Vaccines and Immunization (GAVI) at ang Coalition for Epidemic Preparedness Innovations (CEPI) upang masiguro na makatatanggap ang mahihirap na bansa sa mundo ng kanilang bahagi ng bakuna.
Inaasahan din ang pagdating anumang oras ng 2.6 million doses ng AstraZeneca na in-order ng mga local government units at mga pribadong kumpanya, na planong magsagawa ng sariling mass vaccinations para sa kanilang mga manggagawa.
Sa susunod na buwan naman inaasahan ang pagdating ng Pfizer vaccine mula US, sa pamamagitan din ng COVAX. Habang isa pang US vaccine—ang Johnson and Johnson—ang naglaan ng anim na milyong doses para sa Pilipinas.
Sinabi ni Vaccine czar Carlito Galvez Jr. na plano ng pamahalaan na makakalap ng kabuuang 148 million doses upang mabakunahan ang nasa 70 milyon ng 110 milyong populasyon ng bansa, na magdadala ng “herd immunity” para sa COVID-19 sa buong bansa.
Nitong nakaraang Huwebes, ipinaalala ni WHO country representative Rabindra Abeyasinghe sa gobyerno ng Pilipinas ang prayoridad na itinakda ng WHO sa mga tatanggap na bansa—ang unang doses ng WHO-donated vaccines ay dapat na ibigay sa mga healthcare workers.
Inamin ng Malacanang na ilang opisyal ang naunang mabakunahan ng bakuna mula WHO, ngunit ipinaliwanag nito, na ginawa ito ay upang makatulong na makabuo ng kumpiyansa ang publiko sa bakuna. Sa ilang bansa, ang pangulo at mga prime ministers ay nagpapakuha pa ng larawan habang tinuturukan ng bakuna. Kaya naman ilang kilalang opisyal ng Pilipinas ang nagpakuha ng larawan habang nagpapaturok ng bakuna bilang bahagi ng pagsisikap na makuha ang pagtanggap at suporta ng publiko para sa vaccination program.
Sa pagsalubong ng unang COVAX shipment sa airport, sinabi ni Pangulong Duterte: “I would like to appeal to all our kababayans. Please get vaccinated against COVID-19 and be the government’s partner in preventing the further spread of the disease. These vaccines are safe and they are the key to the reopening of our society.”