AFP
Tumanggap si Venezuelan president Nicolas Maduro at ang kanyang asawa na si Cilia Flores ng unang dose ng Russian Sputnik V vaccine laban sa coronavirus nitong Sabado, iniulat ng state television.
“I am vaccinated,” pahayag ni Maduro habang nakangiti at nagbiro na makapagsasalita na siya ng Russian.
Nitong Pebrero 18, sinimulan ng Venezuela ang pagtuturok ng unang dose ng Sputnik vaccine sa mga health care workers, matapos matanggap ang inisyal na shipment na 100,000 ng 10 million doses na in-order nito. Tumanggap din ang bansa ng 500,000 doses ng Chinese-made Sinopharm vaccine, na sisimulang ipamahagi sa Lunes.
Bukod dito, nakapag-reserba rin ang Venezuela ng 1.4 milyong doses ng AstraZeneca vaccine sa pamamagitan ng Covax program ng World Health Organization – na idinesenyo upang matulungan ang mahihirap na bansa na makamit ang sapat na suplay ng bakuna—bagamat naantala ang delivery dahil sa usapin ng pagbabayad.
Matapos ang 2018 election na malawakang ikinonsidera na “rigged”, nasa 50 bansa kabilang ang United States ang kumikilala kay opposition leader Juan Guaido, hindi kay Maduro, bilang pangulo ng bansa.
Bilang resulta, hindi ma-access ng Venezuela ang ilang government funds na hawak abroad, na nagpapakomplikado sa pagbabayad ng bakuna.
Hanggang nitong Sabado, iniulat ng bansa ang higit 141,000 kaso ng COVID-19 at 1,371 pagkamatay, ayon sa Johns Hopkins University tracking website.