ni Zaldy Comanda
KALINGA – Patay ang isang mag-asawa at sugatan naman ang apat na iba nang mahulog sa 500 metrong bangin ang sinasakyang van sa Sitio Limood, Bgy. Balinciagao Sur, Pasil sa Kalinga, nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni Kalinga Provincial Police Office Director Col. Davy Limmong, ang dalawa na sina Marilou at Daniel Minong, na kaagad na binawian ng buhay dahil sa tinamong pinsala sa kanilang ulo at katawan.
Isinugod naman sa ospital ang driver ng van na si Edmar Baddongon dahil sa mga sugat nito sa katawan. Itinakbo rin sa pagamutan ang tatlong kasamahan na sina Jerry Baddongon, Mark Arel Lapitan, 21, at Jhonred Dawaron, pawang magsasaka at taga-Balinciagao Norte, Pasil.
Naiulat na patungong Lubuagan sa nasabing lalawigan ang mga ito sakay ng pribadong van na minamaneho ni Edmar nang maganap ang aksidente, dakong 6:15 ng gabi.
Bigla na lamang umanong hindi gumana ang preno ng sasakyan kaya nawalan ng kontrol ang driver nito hanggang sa dumiretso sa bangin.
Bago pa nahulo ang sasakyan, nakatalon pa mula sa van sina Dawaton at Lapitan na nagresulta ng kanilang pagkakasugat.
Hinihintay pa ng pulisya kung maghahain ng kaso ang kaanak ng mag-asawa laban sa driver ng sasakyan.