ni Marivic Awitan

BIBIGYAN parangal ang taong nasa likod ng matagumpay na Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup bubble sa Clark sa idaraos na virtual PBA Press Corps Awards Night sa darating na Linggo sa TV5 Media Center.

Gaya ng inaasahan,si coach Tim Cone ang hinirang na Outstanding Coach of the Bubble ng PBA Press Corps dahil ginawa nitong paggabay sa Barangay Ginebra tungo sa 2020 Philippine Cup championship.

Pormal na igagawad kay Cone ang nasabing karangalan sa idaraos na virtual awards ceremony ngayong gabi sa TV5 Media Center sa Mandaluyong City.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Namayani sina Cone at ang Gin Kings sa nag-iisang conference ng 45th season na idinaos sa loob ng bubble sa Clark, Pampanga kontra sa nakatunggaling TNT at inangkin ang una nilang all- Filipino makaraan ang 13 taon.

Nagawang mapanatiling competitive ni Cone ang Kings sa kabila ng pagsisimula ng conference na wala sa tamang kundisyon sina Japeth Aguilar at LA Tenorio na merong magkaibang isyu bukod pa sa pag-aadjust sa pagkawala naman ni Greg Slaughter.

Sa pagtatapos ng conference,nakamit ng Ginebra ang kampeonato kung saan nagwagi si Tenorio bilang Finals MVP at si Stanley Pringle naman ang tinanghal na Best Player of the Conference. Bukod sa mga best performers noong nakaraang bubble ay pararangalan din kasama nila ang awardees noong 2019 na pinangungunahan ni Baby Dalupan Coach of the Year Leo Austria ng San Miguel.

Ibinigay naman ang Mr. Executive award kay league Commissioner Willie Marcial sa matapang nitong pamumuno upang makapagdaos ang kabuuang 500 katao ng 45th season ng liga sa Clark sa gitna ng Covid-19 pandemic.

Kasama nyang tatanggap ng major award ang 2019 Danny Floro Executive of the Year na si PBA Chairman Ricky Vargas gayundin ang 12 teams ng liga na gagawaran ng President’s Award kasama si dating PBA star Vergel Meneses na kabilang sa mga 2019 awardees.

Ang iba pang 2019 awardees ay sina San Miguel Beer coach Leo Austria bilang 2019 Virgilio “Baby” Dalupan Coach of the Year at NorthPort veteran Sean Anthony bilang 2019 Defensive Player of the Year.