SISIMULAN ni Pope Francis ngayong araw ang kanyang kauna-unahang papal visit sa Iraq. Inilarawan ito bilang isang aksyon ng pakikiisa sa isang sinaunang komunidad ng Kristiyano sa Iraq at isang pakikitungo sa mga Muslim na nangingibabaw sa mga bansa sa Gitnang Silangan.
Ihahayag ng Santo Papa ang pakikiisa sa ancient Christian minority, na ngayo’y bumaba sa 400,000 mula sa 1.5 milyon noong 2003, sa isang bansa na may 25 milyong tao. Sinasakop ng Chaldeans at iba pang Katoliko ang kalahati ng Kristiyano sa Iraq; habang ang nalalabi ay mga Armenian Orthodox, Protestants, at iba pang maliliit na simbahan.
Sa inaasahang pagbisita ng Santo Papa, masisilayan ang mga bandera ng pagtanggap na nagtatampok ng kanyang imahe kasama ang kanyang titulo sa Arabic na “Baba al-Vatican” na nakasabit sa mga lansangan ng Baghdad. Hinawan ang mga Simbahan at daan sa mga liblib na lugar na hindi kailanman nakakita ng isang bisita tulad ni Pope Francis.
Ang pagbisita ng Santo Papa sa Iraq ay pumupukaw ng matinding atensiyon sa bahaging ito ng mundo na karaniwang sumasamba sa Hudaismo, Kristiyanismo, at Islam bilang orihinal na tahanan ni Abraham. Sa lupain ng Ur, sa katimugang Iraq, kung saan nanirahan si Abraham, nang ito’y isalaysayay sa Aklat ng Genesis sa Bibliya, sinabi sa kanya ni Diyos na lisanin ang tahanan ng kanyang ama at manirahan sa malayong kanluranin sa lupain ng Canaan.
Ang anak ni Abraham na si Isaac ay naging ama ni Jacob, na ang 12 anak na lalaki ang naging ama ng 12 tribo ng Israel. Sa isa sa mga anak na ito, si Jose, ang pinagmulan ng henerasyon ni Hesus.
Ang isa pang anak ni Abraham, si Ishmael ang naging ninuno ni Muhammad. Kaya naman si Abraham ay iginagalang bilang “common patriarch” ng Hudaismo, Kristiyanismo, at Islam.
Ang orihinal na bayan ni Abraham ang bibisitahin ngayon ni Pope Francis. Nasa isip niya ang sinaunang kasaysayan ng lupain sa kanyang pagbisita roon, ngunit ang kasalukuyang problema ang mangingibabaw sa kanyang pangamba.
Naiipit ngayon ang Iraq sa digmaan ng naglalabanang magkakaibang puwersa upang makontrol ang ilang bahagi ng bansa. Pinamunuan ito ni Saddam Hussein mula 1979 hanggang 2003 ngunit napatalsik ito matapos ang pananakop ng US sa Iraq at pinatay para sa ‘crimes against humanity.’ Noong 2013, kinubkob ng puwersa ng Daesh ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang malaking bahaging teritoryo ngunit tuluyan ding napuksa mula sa mga lugar na dati nitong kontrolado. Sa buong bansa sa kasalukuyan, kinahaharap ng puwersa ng pamahalaan ang lahat ng uri ng mandirigma— Daesh forces, Sunni militias, tribal groups, Shia military groups, mga teroristang grupo.
Ang lupaing ito na pinaglalabanan ng magkakaibang puwersa ang lalakbayin ngayon ni Pope Francis dala ang mensahe ng kapayapaan at pagkakaisa na marahil ay binabalewala ng maraming armadong grupo sa nahahating lupain. “He will have powerful words for Iraq, where crimes against humanity have been committed,” pahayag ni Chaldean Catholic Bishop Najeeb Michaeel ng hilagang siyudad ng Mosul.
Ngunit, lagi’t lagi, may pananalig ang Santo Papa sa kanyang misyon. Nakikiisa tayo sa hangaring ito at umaasa sa tagumpay ng misyon.