Nina ANALOU DE VERA at BETH CAMIA
Kinumpirma ng isang opisyal ng World Health Organization (WHO) ang pagdating ng mga inisyal na dosis ng mga bakunang AstraZeneca coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas nitong Huwebes, Marso 4.
“Today marks the first delivery of vaccines from the COVAX facility to the Philippines,” sinabi ni WHO Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe sanpress briefing na inabala ng Department of Health (DOH).
Ang delivery ng paunang 500,000 dosis ng mga bakunang AstraZeneca ay dapat na dumating noong Lunes, Marso 1 ngunit naantala dahil sa logistical concerns.
Sa inaasahang itataas ng Pilipinas ang bilang ng mga bakuna laban sa nakahahawang sakit, pinapaalalahanan ni Abeyasinghe ang publiko na sumunod pa rin sa minimum na pamantayan sa kalusugan ng publiko.
“But again, I want to emphasize that the arrival of vaccines does not give us the opportunity to drop the behaviors we adopted from the beginning of the pandemic namely the physical distancing, face mask wearing, hand washing, cough etiquette, avoid of congested and closed settings,” sabi ng opisyal ng WHO.
1-M bakuna para sa Marso
Samantala, inaasahang darating pa sa bansa ngayong buwan ng Marso ang isang milyong bakuna ng Sinovac.
Ipinahayag ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque ang tuluy- tuloy na pagdating ng mga bakuna kontra COVID-19 sa bansa.
Sinabi ni Roque, sa pagkakataong ito ay babayaran na ng pamahalaan ang nasabing mga bakuna at ang unang naging plano ay 50,000 ang inaasahan sana nitong nakalipas na Pebrero at 950,000 naman ngayong Marso.
1,184 sa PGH nagpabakuna
Umaabot na sa 1,184 ang health care workers at empleyado ng Philippine General Hospital (PGH) na naturukan na ng unang dose ng Coronavac ng Sinovac.
Ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario, ang bilang ay naitala mula nang magsimula ang COVID-19 vaccine rollout noong Lunes hanggang Miyerkules. Inihayag rin ni del Rosario na mula sa dating 8% na “acceptance rate” ay nasa 25% na ang acceptance rate ng mga taga-PGH sa CoronaVac.
Gayunman, 75% o mayorya pa rin sa medical frontliners at mga tauhan ng PGH ay mas gusto ang bakuna ng AstraZeneca o Pfizer.
May ulat ni Mary Ann Santiago