MAY isang pagkakatulad na dumadaloy sa karamihan ng mga balita na mababasa natin sa mga pahayagan ngayong mga araw—ang COVID-19 pandemic. Nitong weekend, nabasa natin na:
—Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang COVID vaccine law, na naglalaan ng P500-million indemnity fund bilang kabayaran para sa mga posibleng makaranasan ng anumang sakit na epekto ng bakuna.
—Mananatili ang National Capital Region at ang siyam na iba pang lugar sa bansa sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) para sa panibagong buwan, bago ito mailipat sa Modified GCQ.
—Dumating na nitong Linggo ang unang batch ng bakuna—ang 600,000 doses ng Sinovac ng China. Isa pang bakuna—ang AstraZeneca ng United Kingdom – ang inaasahang darating sa Lunes.
—Ang pandemya ay isang hudyat para sa ating lahat na mas maging malapit sa Diyos, sinabi ni Ozamiz Archbishop Martin Jumoad sa Radio Veritas para sa ikalawang Linggo ng Kuwaresma, ang 40-araw na panahon bago ang Mahal na Araw. Nanawagan siya sa bawat isa na tumulong sa mga nangangailangan, lalo na ang matinding naapektuhan ng pandemya.
—Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, ang pandemic task force ng pamahalaan, ang pagtanggal ng swab tests at quarantine para sa mga bumibiyahe sa loob ng bansa.
—Hindi inaasahan ang anumang pilot-testing ng face-face-classes sa ngayon, tulad ng mungkahi ng ilang grupo sa isang pagdinig sa Senado.
—Iniulat ng OCTA Research Group ang paglobo ng kaso sa 900 kada araw sa Metro Manila sa nakalipas na linggo, ang unang bases mula noong Oktubre.
Umaasa ang Pilipinas at ang buong mundo na matatapos na ang pandemya sa pagsisimula ng mass vaccinations. Umaasa tayong mas maraming ulat sa ibang mga kaganapan ang maibabalita, kahit pa ito ay negatibo, tulad ng pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang uri ng langis.
Unti-unting tumataas ang presyo. Inaasahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang pagtaas ng presyo sa lokal na merkado bilang resulta ng mas mataas na presyo ng langis sa mundo. Ito ang nangyari noong 2018 nang magsimulang tumaas ang inflation rate sa Pilipinas noong Enero, na pumalo ng 4.5 porsiyento noong Hunyo, at umabot sa 6.7 porsiyento noong Setyembre. Ngayong taon, sinabi ng BSP, na umabot ang inflation rate sa 4.2 porsiyento nitong Enero, at inaasahang papalo sa pagitan ng 4.3 porsiyento at 5.1 porsiyento sa pagtatapos ng Pebrero.
Karamihan ng balita ngayong mga nagdaang araw ay patungkol sa pandemya. Umaasa tayong huhupa na ito sa pagsisimula ng mass vaccinations. Umaasa rin tayo na ang mga balita tungkol sa COVID na nangibabaw sa ating mga pahayagan nitong nakaraang taon ay hindi lamang mapapalitan ng ulat hinggil sa tumataas na presyo sa merkado, tulad noong 2018.