ni Annie Abad
MULING ihahatid ng Philippine Sports Commission (PSC) ang online National Sports Summit (NSS) sa Marso 4.
Sa linggong ito ay tatalakayin ang ukol sa pagpupursigi para sa malinis at patas na paglalaro para sa ikalawang hanay ng NSS.
Pangungunahan ni Dr. Alejandro Pineda, ang pinuno ng Philippine National Anti-Doping Organization (PHINADO), ang nasabing summit upang ihatid ang malalim na pagtalakay sa pagpapatupad ng 2021 World Anti-Doping Code sa bansa.
Si Pineda ay kilalang haligi sa world anti-doping policies. Kinatawan ni Pineda ang bansa sa Southeast Asia Regional Anti-doping Organization (SEA RADO) buhat pa noong 2006.
“The area of honest and fair play is very vital to impart, most especially to our athletes, coaches, and sports educators who are directly involved in the practice of training minds and bodies to be at its prime,” pahayag ni PSC National Training Director Marc Velasco, na siya ring Project Director ng nasabing sports summit.
Tatlong paksa ang nakalinya ngayong Huwebes kabilang ang “Anti-Doping Efforts in Philippine Sports,” “Sports Science and Sports Success,” at ang “High-Performance Sports and Athletic Success.”