MAY isang tradisyon tayo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ng hindi pakikialam o non-interference sa usaping panloob ng ating mga kapwa ASEAN na bansa. Sa mga nakalipas na siglo, ang mga bansang ito ay dumaan sa iba’t ibang makasaysayang karanasan. Tila ang tanging nagbibigkis sa kanila, ay nasa iisang heograpikal na bahagi sila ng planeta.
Pinamahalaan ng Britain ang Brunei, Malaysia, at Singapore; France sa Cambodia, Laos, at Vietnam; ang Dutch sa Indonesia; Espanya at Amerika sa Pilipinas. Tanging ang Thailand ang nakatakas sa kolonyal na pamamahala. Ngunit sa kabila ng lahat ng malalaking pagkakaiba, nagkakaisa ang mga bansa sa ASEAN sa ilalim ng “One Vision, One Identity, One Community.”
Taliwas sa karanasang ito ang nagiging pagtingin natin dito mula sa Pilipinas hinggil sa nagaganap ngayon sa Myanmar, dating nakilala bilang Burma. Matagal pinanghawakan ng militar ang pamamahala sa naturang bansa, ngunit unti-unti nitong hinayaan ang silbilyang pamamahala sa pamamagitan ng isang asembleya, habang nakalaan ang dalawapu’t limang porsiyento ng upuan ng asembleya para sa pro-military party. Sa naging eleksyon nitong Nobyembre, napagwagian ng National League for Democracy party sa pamumuno ng babaeng lider na si Daw Aung San Suu Kyi, ang higit 80 porsiyento ng boto. Inakusahan ng militar ang partido ng pandaraya. Nitong Pebrero 1, sa pagbubukas ng unang araw ng bagong asembleya, naglunsad ang militar ng kudeta, pumalit sa pamahalaan, at ikinulong si Suu Kyi at ang iba pang lider ng gobyerno.
Isang buwan na ngayon, na nagtitipon ang mga tao ng Myanmar sa lansangan para magsagawa ng protesta, habang maraming nasyon, kabilang ang United States, European Union, at China, ang nagpahayag ng pagkondena sa naging hakbang ng militar ng Myanmar. Ang ASEAN naman, bilang pagsunod sa tradisyunal na polisiya nito ng non-interference sa usaping panloob ng anumang miyembrong bansa, ay tumangging maglabas ng anumang pahayag ng kritisismo o pagkondena.
Sa araw na naganap ang kudeta, tinawag ito ni presidential spokesman Harry Roque bilang “internal matter,” bagamat nagpahayag ang Department of Foreign Affairs ng “deep concern,” partikular sa kaligtasan ni Daw Aung San Suu Kyi. Habang nagpahayag din ang Singapore, Indonesia, at Malaysia ng “deep concern.” Tinawag naman ng Cambodia at Thailand ang pangyayari sa Myanmar na isang internal matter. At hindi pa naglalabas ng kanilang pahayag ang Vietnam, Brunei, at Laos.
Malamang na ihinto ng Pilipinas ang paglalabas ng anumang dagdag pang pahayag bilang paggalang sa tradisyon ng ASEAN. Ngunit hindi maikakaila na ang mga kaganapan sa Myanmar ay hindi katanggap-tanggap. Tatlumpu’t limang taon na ang nakalilipas, noong Pebrero 1986, ginulat ng Pilipinas ang mundo nang magsama-sama ang mga tao sa Epifanio de los Santos Ave. malapit sa Camp Crame at Aguinaldo, upang kondenahin ang pagpapatupad ng batas militar sa bansa ni Pangulong Marcos noong 1972, na nagpatuloy sa awtoritaryan na pamahalaan na nagpanatili sa kanya sa kapangyarihan sa loob ng 20 taon.
Mayroon tayong ipinagmamalaking tradisyon ng pagkakaisa ng mga tao sa isang protesta laban sa pang-aabuso ng pamahalaan. Iginagalang ng ating pamahalaan ang tradisyon ng pagrespeto ng ASEAN sa usaping panloob ng ating mga kapwa bansa sa ASEAN, ngunit dapat mabatid ng mundo na kaisa ng mga Pilipino ang mamamayan ng Myanmar sa kanilang protesta laban sa hindi makatwirang aksiyon sa kanilang bansa.