ni Marivic Awitan
MAY pagkakataon na ang Pilipinas na magkamit ng slot sa men’s basketball event ng darating na Tokyo Olympics.
Matapos ang ginawang withdrawal ng New Zealand, agad tinawagan ng International Basketball Federation ang Gilas Pilipinas para palitan ang nabakanteng puwesto ng mga Kiwis sa Olympic Qualifying Tournament na gaganapin sa Hunyo 29 hanggang Hulyo 4 sa Stark Arena sa Belgrade,Serbia.
Nagdesisyong mag-withdraw ang tinaguriang Tall Blacks sa OQT sanhi ng coronavirus (COVID-19) pandemic.
Nagkamit ng outright qualification sa qualifiers ang New Zealand makaraang tumapos na pang-19 noong nakaraang 2019 FIBA World Cup.
“The Philippines will replace New Zealand at the FIBA Olympic Qualifying Tournament 2020 in Belgrade, Serbia as the next best team from the Asia-Oceania Region in the FIBA World Ranking Men,” nakasaad sa FIBA statement.
Ang Pilipinas ang 31st-ranked basketball nation sa buong mundo at pang-6 sa rehiyon ng Asia. Sa kasalukuyan, tanging ang Japan at Iran pa lamang ang mga Asian countries na nag-qualify na sa Tokyo Games. Ang China ay nakatakda pa lamang sumabak sa Victoria OQT sa Canada, habang ang South Korea naman ay lalahok sa Kaunas OQT sa Lithuania.
Kabilang sa mga makakasama ng Gilas sa grupo ay ang host Serbia at Dominican Republic sa OQT. Kinakailangan nilang magtapos sa top two para umusad sa crossover kontra naman sa top two ng grupo ng Puerto Rico, Italy at Senegal.
Isang Olympic slot lamang ang kanilang paglalabanan.