ni Bert de Guzman
HANDA na ang gobyerno na magsagawa ng araw-araw na pagbabakuna sa sandaling dumating sa Pilipinas ang COVID-19 vaccines bilang bahagi ng mass vaccination program ng gobyerno, ayon sa Department of Health (DoH).
“Basta available na ang mga pasilidad gaya ng mga ospital, makagagawa kami ng 24 oras na vaccination. Meron ding 8-oras na shift kapag kami ay nasa komunidad na. This will run seven days a week,”
ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Naniniwala ang DoH na ang target na vaccination rate na 70 porsiyento ng populasyon ay maaaring maabot sa katapusan ng taon na ayon kay Vergiere ay maituturing na “best case scenario.” Gayunman, aniya ang “worst case scenario” ay kung matatamo pa ito sa gitna ng 2022.
Binigyang-diin ng DoH official, kapag dumating agad ang suplay ng mga bakuna, matatapos at maaabot ang target. “All of these will depend on the supply of vaccines.” Sa pinakahuling case bulletin ng DoH noong Pebrero 24, may 1,557 bagong kaso ng COVID-19 kaya ang kabuuang bilang ay naging P566,240. Maaaring dumami pa ito.
Posible raw na dumating sa bansa ang mga bakuna ng Sinovac sa linggong ito matapos bigyan ng Food and Drug Administration (FDA) ng emergency use authorization (EUA) ang Sinovac Biotech’s COVID-19 vaccines.
Sinabi ni Helen Yang, Sinovac general manager, noong Pebrero 24 naging malinis na ang lahat mula sa approval side at ngayon ay kinukumpleto ang eskedyul ng delivery at customs procedures na posibleng tumagal ng ilang araw.
Ayon kay Yang, ang kompanya ng Sinovac ay laging may komunikasyon sa Chinese embassy kaugnay ng pagdedeliver ng 600,000 doses ng bakuna. Handa raw si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na personal na i-welcome ang unang batch ng 600,000 doses upang ipakita sa China ang pasasalamat ng administrasyon.
Hinikayat ni presidential spokesman Harry Roque si Vice Pres. Leni Robredo na sumama sa kanya at ilang miyembro ng gabinete na unang magpabakuna upang tumaas ang kumpiyansa ng mga tao sa vaccination program ng pamahalaan.
Ayon kay Roque, ang Pangalawang Pangulo ay hindi pa senior citizen kaya puwedeng maunang bakunahan tulad ng iba. Si PRRD ay senior citizen na at baka hindi kuwalipikado sa Sinovac vaccine na may 50.4 percent na bisa (efficacy rate lang) batay sa clinical trials sa Brazil.
Niliwanag ni FDA director general Eric Domingo na bagamat hindi nila inirerekomenda ang Sinovac vaccine para sa health workers at senior citizens, maaarin namang pabakuna ang mga health care worker kung gusto nila. Sa press briefing kamakailan, sinabi ni Domingo na hindi nila rekomendado ang bakuna ng Sinovac sa health workers dahil may 50.4% lang ang efficacy nito, at dahil sila ay araw-araw na kasalamuha ng mga pasyente ng COVID-19, dapat ay bakunang mataas ang efficacy rate.
Samantala, may mga report na hanggang ngayon ay kakaunti raw ang mga Pinoy na nais magpabakuna. Natatakot sila marahil dahil sa idinulot na pinsala ng bakunang dengvaxia noon na isinisisi sa pagkamatay at pagkakasakit ng mga batang mag- aaral. Talagang kailangang manguna ng mga lider ng bansa na bakunahan para maging ehemplo sa mga mamamayan na okey ang bakuna sa COVID-19.