PINANGUNAHAN nina CJ Perez at Aaron Black ang inisyal na batch ng mga manlalarong nakatakdang bigyang parangal ng Philippine Basketball Association (PBA) Press Corps sa idaraos na virtual Awards Night sa Marso 7 sa TV5 Media Center.
Nakatakdang matanggap ng 27-anyos na si Perez ang kanyang ikalawang sunod na Scoring Champion award habang pamumunuan naman ni Black ang napiling All-Rookie Team sa gabi ng parangal na inorganisa ng mga reporter na nagkokjober ng liga.
Ang programa na inihahatid ng Cignal TV ay nakatakdang ipalabas sa programang PBA Rush sa Marso 8.
Nagtala ang dating National Collegiate Athletic Association Most Valuable Player mula Lyceum ng average na 24.4 puntos noong nakaraang taong all-Filipino conference para sa dati nyang team na Terrafirma, upang manguna sa scoring para sa ikalawang sunod na taon. Noong sinundang taon sa kanyang rookie year, nagtala siya ng average na 20.8 puntos na nagbigay sa kanya ng Rookie of the Year honor bukod pa sa pagiging miyembro ng Mythical Team.
Nanguna naman ang 24-anyos na si Black, 24, para sa All-Rookie team dahil sa mahusay nyang performance para sa Meralco noong nakaraang bubble upang tulungan ang Bolts na umabot ng semifinals ng Philippine Cup sa unang pagkakataon.
Kasama ni Black sa All-Rookie squad sina Arvin Tolentino ng Barangay Ginebra, Roosevelt Adams ng Terrafurma, Barkley Ebona ng Alaska at Renzo Subido ng NorthPort.