ni Bert de Guzman
Pagkakalooban ng pabahay o housing program ang mga pampublikong guro sa bansa.
Lumikha ang Committee on Housing and Urban Development sa pamumuno ni Rep. Francisco Benitez (3rd District, Negros Occidental) ng isang technical working group (TWG) para pag-isahin at ayusin ang mga probisyon ng House Bill 613, 1739, 1871, at 3112, na naglalayong pagkalooban ang mga guro ng pabahay ng gobyerno.
Sa pagdinig, sinabi ni Benitez na ang public school teachers sa bansa ay “overworked at underpaid pa.”
Tama lang aniya na kilalanin ng pamahalaang ang kanilang kasipagan at hirap sa pamamagitan ng pagkakaloob ng sariling mga tahanan, na isang fundamental human rights ng mamamayan.
Hiniling din ng mga mambabatas sa Department of Human Settlements and Urban Development at sa DepEd na tingnan ang mga nakatiwangwang na lupaing pag-aari ng gobyerno na maaaring magamit sa pabahay.