Nina JUN FABON, BETH CAMIA at JOSEPH PEDRAJAS
Nagsasagawa nang hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation kaugnay ng sinasabing misencounter sa pagitan ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police (PNP) na ikinamatay ng dalawang pulis at isang ahente ng PDEA sa Ever Gotesco Mall sa Commonwealth Avenue, Quezon City, nitong Miyerkules ng hapon.
Ang hakbang ng NBI ay alinsunod na rin sa kautusan ni Justice Secretary Menardo Guevarra.
Nilinaw ni Guevarra, ang pag-iimbestiga ng NBI ay hiwalay sa ad hoc joint PNP–PDEA Board of Inquiry.
Una nang nagkasundo ang PNP at PDEA na bumuo ng joint Board of Inquiry para imbestigahan ang pangyayari na nagresulta sa pagkakasugat ng tatlong pulis, dalawang PDEA agents at isang sibilyan.
Kinilala naman ng pulisya ang napatay na sina Corporal Lauro de Guzman at Corporal Elvin Cardo, kapwa nakatalaga sa District Special Operation Unit (DSOU) ng QC Police District.
Napatay din sa engkuwentro ang PDEA agent na si Rankin Agano.
Ayon sa NBI, aalamin nila kung sino sa dalawang grupo ang nagsagawa ng buy-bust operation matapos ihayag ng PDEA at PNP na “legitimate” ang kani-kanilang operasyon.
“It’s very unfortunate na nagkaroon ng misencounter,” sabi naman naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Maj. Gen. Vicente Danao.
Sa naunang imbestigasyon ng Batasan Police Station, nagsimulang magbakbakan ang dalawang grupo sa parking lot ng isang frastfood restaurant, dakong 5:45 ng hapon.
“Kung sino ‘yung nag buy-bust, sino ‘yung ka-buy-bust, ‘yun pa ‘yung iniimbestigahan natin,” sabi pa ni Danao.