ni Bert de Guzman
HINDI nagugustuhan ng United States ang pagpapatibay ng China ng bagong batas na nagpapahintulot sa Coast Guard nito na paputukan ang mga dayuhang barko na magdaraan sa South China Sea at West Philippine Sea.
Inakusahan ng bansa ni Uncle Sam ang dambuhala sa paglalagay ng tinatawag na “unacceptable pressure” o panggigipit sa mga bansa na mayroon ding claims at pag-angkin sa karagatan at teritoryo sa South China Sea.
Mukhang naiiba ang administrasyon ni US Pres. Joe Biden sa nakaraang gobyerno ni ex-US Pres. Donald Trump na hindi masyadong binigyang-pansin ang mga gawain ng China sa SCS at WPS kaya malakas ang loob nitong umokupa at mangamkam ng mga reef at isle, tulad ng pag-okupa at pagkamkam sa ilang teritoryo at shoal ng Pilipinas na saklaw ni Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa. Hinaharang pa ng Coast Guard nito ang mga mangingisdang Pilipino.
Sinabi ni US Department of State spokesperson Ned Price sa isang press briefing, na kasama ng Amerika ang Philippines, Vietnam, Indonesia, Japan at iba pang bansa sa pag-aalala at pagkontra sa bagong batas ng China na posibleng magpataas ng tensiyon sa gusto sa karagatan sa SCS-WPS.
Badya ni Price: “We are specifically concerned by language in the law that expressly ties the potential use of force, including armed force by the China Coast Guard, to the enforcement of China’s claims in ongoing territorial and maritime disputes in the East and South China Seas.”
Batay sa lengguwahe ng bagong batas, sinabi ni Price na nagpapahiwatig ang China na maaaring gumamit ng lakas at puwersa upang matamo nito ang ilegal na maritime claims sa South China Sea.
Kahit noon pa, tumatanggi ang Beijing na kilalanin ang arbitral ruling pabor sa Pilipinas sa resource-rich West Philippine Sea, ang bahagi ng South China Sea na sakop ng exclusive economic zone ng PH. “Our position on the [China’s] maritime claims remains aligned with the 2016 Arbitral Tribunal’s finding that China has no lawful claim in areas it found to be in the Philippines exclusive economic zone or continental shelf,” bigay-diin ni Price. “We stand firm in our respective alliance commitments to Japan and the Philippines.”
Sa kabila ng mga concern ng mga bansang kapit-bahay ng China, gaya ng ‘Pinas, Vietnam, Brunei at ng US, patuloy ang higanteng bansa ni Pres. Xi Jin Ping sa pag-angkin sa mga teritoryo sa South China Sea, kabilang ang paglalagay ng mga istraktura sa Philippine-claimed Mischief o Panganiban Reef na nakita sa satellite images na ni-release ng US-based firm Simularity.
Iniulat ng Department of Health (DoH) noong Linggo ang bagong 18 kaso ng UK variant ng coronavirus disease 2019 o COVID-19. Ang tatlong bagong kaso ng “mutation” ay natagpuan sa Central Visasyas. Sa ngayon, ang UK variant na kilala bilang B117 ay 62 na, samantalang ang mga kaso ng N501Y at E484K mutations ay umabot na sa 34. Itinuturing ng mga eksperto sa kalusugan na ang B117 ang pinaka-nakahahawang variant o uri ng COVID-19.
May mga balitang darating na ang mga bakuna mula sa Pfizer-BioNTech, AstraZeneca alinman sa katapusan ng Pebrero o sa buwan ng Marso. May mga ulat ding ang paboritong bakuna ni Pres. Rodrigo Roa Duterte at iba pang cabinet officials, ay darating na rin sa wakas sa Pilipinas.
Sana naman ay makarating na ito sa ating bansa upang hindi laging umaasa ang milyun-milyong mamamayan sa pagdating ng mga vaccine na noong una ay dapat na nasa Pilipinas noong Disyembre 2020 o Enero 2021 kung hindi lang may opisyal o mga opisyal ng administrasyon ang umano’y “nag-dropped the ball” o hinayaang makalampas ang oportunidad sa pagkakaroon ng bansa ng mga bakuna laban sa pandemic.