ITO ang isang bagay na kailangan nating harapin sa pagbabalik ng ating ekonomiya sa normal—mataas na presyo ng gasolina at diesel na nagpapatakbo sa ating mga industriya maging mga sasakyan.
Ngayong linggo inaasahang tataas ang presyo ng gasolina mula P1.25 patungong P1.30 kada litro at diesel mula P0.90 patungong P0.95. Isa ang kerosene sa mga pangunahing kasangkapan sa maraming kabahayan at base para sa aviation fuel. Inaasahang aangat ang presyo nito mula P1 patungong P1.10 kada litro.
Ang pagtaas ng presyo ng langis sa lokal na merkado ay natural na resulta ng paggalaw ng presyo sa world oil market. Maraming bansa ang nagsisimula nang buksan muli ang kanilang industriya, na nagreresulta sa pagkonsumo ng gasolina, na nagtutulak—bilang pagsunod sa law of supply and demand—sa pagtaas ng presyo.
Mayroong tuloy-tuloy na pagtaas sa pandaigdigang demand para sa gasolina. Nitong Pebrero 11, iniulat ng Internal Energy Agency (IEA) sa Paris, France, na maaaring umabot ang demand sa 5.4 million bariles kada araw ngayong 2021, na may pagtaas ng 96.4 million bariles kada araw.
Ito ay tinatayang 60 porsiyento ng pagbagsak ng world oil consumption sa kasagsagan ng pandemya noong nakaraang taon. Sa patuloy na pagbangon ng mundo, maaasahan natin ang higit pang pagtaas ng pagkonsumo ng langis—at, kasunod, pagtaas ng presyo ng langis.
At simula pa lamang ito ng proseso. Maaasahan natin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina sa pagbabalik-operasyon ng mga pabrika at pagbabalik ng mga sasakyan sa kalsada.
Ngayon pa lamang, dapat nang magplano ng pamahalaan para sa hindi maiiwasang epekto ng mataas na presyo ng langis. Tiyak na magpapataas ito sa presyo ng lahat ng bilihin sa merkado—lalo’t lahat ng ito ay nililikha sa oil-fueled factories at ibinabiyahe sa pamilihan, kasama ng mga farm products, sa pamamagitan ng sasakyan na pinatatakbo ng diesel o gasolina.
Taong 2018 nang huling maranasan ng bansa ang pagtaas ng presyo sa hindi inaasahang pag-angat, nang pumalo ang inflation sa 6.8 porsiyento noong Setyembre. Pinahupa ito ng malawakang pag-angat ng bigas, ang pangunahing pagkain ng bansa.
Umaasa tayong hindi natin muling mararansan ang mahirap na panahon ng 2018 nang sunod-sunod ang naging pagtaas ng mga presyo sa merkado dahil sa kombinasyon ng pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis, pagbagsak ng halaga ng piso kaugnay ng dolyar ng US, at ang mataas na demand sa lokal idagdag pa ang manipulasyon ng presyo.
Sa pagsisimula ng pagtaas ng presyo ng langis sa daigdig, na kalaunan ay makaaapekto sa lokal na presyo. Kailangan natin tanggapin ang pagtaas, bilang bahagi ng pagbangon ng mundo mula sa pandemya. Ngunit kailangan itong mahigpit na bantayan upang makagawa tayo ng hakbang na poprotekta sa pinaka bulnerable sa atin—ang mahihirap na pamilya sa bansa.