NAGDAOS ang Ronda Pilipinas kahapon ng isang tribute ride na nagsimula at nagtapos sa Tarlac Recreational Park sa San Jose, Tarlac para sa kanilang dating chairman na si Moe Chulani.
Ang event na tinawag na “A MeMOErial Ride, A Ride for Moe,” ay dinaluhan ng kapatid ng yumaong dating Ronda chairman na si Ravinder, malapit na kaibigan at Ronda co-founder na si Dino Araneta at mga dating Ronda Pilipinas champions na sina Jan Paul Morales, Ronald Oranza at George Oconer.
Aprubado ng Inter-Agency Task Force at ng local government ng Tarlac,ang tribute ride na nilahukan ng mga teams ng Navy-Standard Insurance, 7-Eleven, Go for Gold, Army-Bicycology, Tarlac, Placido Valdez’s developmental team at mga kaibigang executive riders ni Chulani na sina Jeremy Go, Quin Baterna, Wilson Cheng at Roland Cunanan.
“This is for Moe,” ani Ronda project director Bernadette Guerrero.
Sa ilalim ng pamumuno ni Chulani, nakapagdaos ang Ronda ng 10 multi-stage races mula noong 2011 at nakatuklas ng ilan sa mga pinakamahuhusay na siklista ng bansa.
Hindi magdaraos ang Ronda organizers ng karera ngayong taon dahil sa pandemya, ngunit nag-anunsiyo silang magsasagawa ng mga qualifying races bago matapos ang taon para sa karerang nakatakda sa Pebrero 2022. Marivic Awitan