ORLANDO, Fla. (AFP) — Sa ikalawang sunod na laro, nasangkot ang Golden State Warriors sa makapigil-hiningang ‘come-from-behind’ na laban. Ngunit sa pagkakataong ito, ang three-time champion ang talunan.

Hataw si Nikola Vucevic sa naiskor na 30 puntos, 16 rebounds at 10 assists para sa ikatlong career triple-double at sandigan ang Orlando Magic matikas na pagbangon mula sa 13 puntos na paghahabol sa final period tungo sa 124-120 panalo laban sa Warriors nitong Biyernes (Sabado sa Manila).

Nakabante ng 17 puntos sa kaagahan ng second half, naiba ang sitwasyon sa final period nang makaungos ang Warriors sa 106-93 may 8:50 ang nalalabi sa laro. Ngunit, rumatsada ang magic, tampok ang

tatlong three-pointer ni rookie forward Chuma Okeke para agawin ang momentum.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Naisalpak ni Vucevic ang dalawang free throws may 16 segundo ang nalalabi para sa 123-120 matapos ang magkasunod na three-pointer ni two-time MVP Stephen Curry.

Naisablay ni Curry ang off-balance three-pointer sa layong 27 feet na nagpuwersa sana sa overtime. Sa laro kontra Miami Heat nitong Miyerkoles, naghabol ang Warriors mula sa 19 puntos na bentahe para agawin ang overtime win.

Tumapos si Curry na may 29 puntos, 11 assists at anim na reboundsm habang nag-ambag sina Kelly Oubre Jr. ng 26 puntos at Andrew Wiggins na may 16.

SIXERS 112, BULLS 105

Sa Philadelphia, naitala ni All-Star Joel Embiid ang career-high 50 puntos, 17 rebounds, limang assists, apat na blocks at dalawang steal sa panalo laban sa Chicago Bulls on Friday night.

Nag-ambag si Tobias Harris ng 22 puntos at 12 rebounds para sa Eastern Conference-leading 76ers.

Nanguna si Zach LaVine sa Bulls na may 30 puntos.

RAPTORS 86, WOLVES 81

Sa Minneapolis, ginapi ng Toronto Raptors, sa pangunguna ni Norman Powell na may season-high 31 puntos, ang Minnesota Timberwolves.

Nanguna si Karl-Anthony Towns sa Minnesota na may 19 puntos at 13 rebounds, habang kumana sina Malik Beasley at Jordan McLaughlin ng 13 at 11 puntos.

CLIPPERS 116, JAZZ 112

Sa Los Angeles, tinuldukan ng Clippers, sa pangunguna ni Kawhi Leonard na kumana ng 29 puntos, ang nine-game winning streak ng Utah Jazz.

Nag-ambag si reserve Lou Williams ng 19 puntos para sa Clippers.

Nanguna sa Utah si Donovan Mitchell na may 35 puntos.

Sa iba pang laro, natusta ng Phoenix Suns ang New Orleans Pelicans, 132-114; nanaig ang Memphis Grizzlies sa Detroit Pistons, 109-95; giniba ng Milwaukee Bucks ang Oklahoma City, 98-85; nanaig ang Boston Celtics sa Atlanta Hawks, 121-109; at ibinaon ng Denver Nuggets ang Cleveland Cavaliers, 120-103.