GANITONG panahong nitong nakaraang taon nang nagsimulang kumalat ang COVID-19 sa maraming bansa matapos maiulat ang unang kaso noong Nobyembre 17, 2019, sa Wuhan, China. Iniulat ang mga kaso sa Japan, South Korea at United States makalipas ang 21 araw; sa Singapore at France matapos ang 23 at 24 araw ; sa India, Italy, United Kingdom, Spain, at Belgium matapos ang 29 araw.
Ang unang kaso sa Pilipinas ay ang mag-asawang Chinese na bumibisita sa bansa na dinala sa San Lazaro Hospital sa Maynila noong Enero 2020. Natuklasan na mayroon SARS-COV-2 RNA ang babae noong Enero 30, ang unang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ngunit naresolba ang sintomas at nakalabas ito ng ospital. Unang ginamot ang lalaki para sa sakit na pneumonia ngunit lumala ang kondisyon nito at inatake sa puso noong Pebrero 1. Kinumpirma ito bilang unang kaso ng pagkamatay sa COVID-19 sa labas ng China.
Habang nagsisimula nang madagdagan at madagdagan ang kaso ng bagong sakit sa Pilipinas at sa mundo, idineklara ng Pilipinas ang unang lockdown—ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon, habang ang natitirang bahagi ng bansa ay isinailalim sa state of calamity.
Panahon ng Kuwaremsma noon at nang sumapit ang Mahal na Araw, Abril noong nakaraang taon, bigo ang mga tao na gunitain ang tradisyon ng Linggo ng Palaspas, maging ang Visita Iglesia sa Huwebes Santo, sa pagsasara ng mga Simbahan.
Ngayong taon, tatapat ang Mahal na Araw sa Marso 28 hanggang Abril 4, nagpapatuloy ang lockdown sa Metro Manila, ngunit niluwagan na ang mahigpit na restriksyon—maaari nang tumanggap ang mga simbahan nang hanggang 50 porsiyento ng kanilang kapasidad.
Isang mahirap na taon ito para sa mga tao at maraming institusyon sa bansa, kung saan maraming selebrasyon ang kanselado sa takot na kumalat ang virus. Dahil sa pandemya, hindi na masyadong idinidikit ang holidays sa pagdiriwang, kundi mas malaking diin sa mas malalim nitong kahulugan.
Kaya naman para sa paggunita ng Kuwaresma ngayong taon, nanawagan si Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) President at Davao Archbishop Romulo G. Valles sa mga mananampalataya na gawin ang gawi ng pagkaawa at pagkahabag, gawin ang pagkakawanggawa at pakikiisa sa mga pinaka nagdurusa sa atin sa mahirap na panahong ito ng pandemya.
Sa kanyang Ash Wednesday message, nanawagan si Pope Francis sa mga mananampalataya “to experience Lent with love,” na nangangahulugan, aniya ng “caring for those who suffer or feel abandoned and fearful because of the COVID-19 pandemic…. In our charity, may we speak words of reassurance and help others to realize that God loves them as sons and daughters.”
Sa panahong ito ng Kuwaresma ng 2021, nananatiling banta ang pandemya at nagpapatuloy ang lockdown, bagamat hindi na kasing higpit noong 2020. Unawain natin ang salita ni Pope Francis at ang ating sariling lider ng relihiyon sa paggunita natin ng ikalawang Kuwaresma sa ilalim ng pandemya at humanap ng paraan kung paano makatutulong sa mga nagdurusa, gamit ang salita at gawa ng pagmamalasakit at pagtulong.