Ni ARGYLL CYRUS GEDUCOS

Muling nanawagan kahapon ang Malacañang sa publiko na makinig lamang sa mga eksperto kaugnay ng benepisyo ng nabakunahan laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Inilabas ng Malacañang ang apela sa gitna ng pagsusumikap ng gobyerno na mapalakas ang tiwala ng taumbayan sa bakuna.

Inihayag ni Presidential spokesman Harry Roque, dapat na makinig ang publiko sa mga epidemiologist at eksperto sa bakuna.

National

De Lima, nagsalita sa umano’y mga alegasyong ‘adik’ si PBBM

“Pakinggan po natin ang mga dalubhasa. Hindi po ibig sabihin na lahat ng doktor ay puwede nang magkomento pagdating sa mga bakuna. Magtiwala naman tayo sa mga eksperto dahil sa panahon ng health emergency, sino pang paniniwalaan natin kundi ang mga dalubhasa,” sabi ni Roque.

Inilahad ni Roque na kumbinsido ang mga vaccine expert na maraming benepisyo kapag nabakunahan kahit wala pang brand nito na pinapahintulutang gamitin.

“Lahat naman po sila ay nagsasabi na bagama’t emergency use authorization (EUA), eh mas marami ang mga benepisyo makukuha natin sa mga bakuna laban sa COVID-19 kaysa doon sa kanilang mga posibleng side effects,” dagdag pa ng opisyal.