ni Ric Valmonte
Nanatilingnakapiit sina Manila Today editor Lady Salem at union organizer Rodrigo Esparago kahit ibinasura na ng korte ang kaso laban sa kanila. Ang dalawa ay kabilang sa pitong tao na dinakip ng mga pulis sa magkasunod na operasyong isinagawa nila noong Disyembre 10 ng nakaraang taon. Dahil nang dakpin sila ay sa araw na ipinagdiriwang sa buong daigdig ang International Human Rights Day, tinawag sila ng kanilang mga tagasuporta ng “Human Rights Day 7”. Ang kasong isinampa laban kina Salem at Esparago ay illegal Possession of Firearms at Explosives. Dinampot sila sa bisa ng seach warrant na inisyu ni Quezon City RTC Judge Cecilyn Burgos-Villabert na pinawalang saysay ni Mandaluyong City RTC Judge Monique Quisimbing-Ignacio at ibinasura ang kaso laban sa kanila.
Sa kabila nito, patuloy silang nakakulong dahil, ayon sa prosekusyon, ang kautusan ni Judge Ignacio ay hindi pa pinal at pwede pang ipabago o iapela. Hiniling ng mga abogado ni Salem na palayain na sila dahil, ayon sa kanila, pinal na ang desisyon at anuman ang gawin ng prosekusyong, ke ito ay reconsideration o appeal, ay labag na sa karapatan ng mga akusado na nakasaad sa Saligang Batas. Ipinagbabawal kasi nito ang double jeopardy, ang papanagutin muli ang akusado sa parehong kasong nadismis na. Kasalukuyang nakabitin ang isyung ito na ireresolba pa ni Judge Ignacio dahil ayaw palayain ng autoridad sina Salem at Esparago.
Pero, ano ba ang katotohanang nalalambungan ng mga pangyayaring ito? Ang dalawa ay dinakip dahil aktibo silang kumikilos laban sa kasalukuyang administrasyon sa mapayapang paraan gamit ang kanilang demokratikong karapatan. Kaya, iyong ginagawa laban sa kanila ay naglalayong patahinmikin sila, ang maparalisa ang oposisyon. Ginawa na ito sa kagaya nila. May mga search warrant din na ginagamit ang mga makapangyarihan na kung wawariin mo ay ang desisyon ni Judge Ignacio ay mamera lamang ang mga ito. Tulad nina Salem at Esparago, ang kanilang mga dinakip ay kinasuhan ng illegal possession of firearm and ammunition at explosive. Ang kasong ito ay walang piyansa. Kaya, habang dinidinig ang kaso, ang dinakip ay nanatiling nasa kulungan.
Higit na masama rito ay ang epekto sa iba. Naghahasik ng takot o pangamba sa mga taong tutulad kina Salem at Esparago na ibulalas ang kanilang saloobin laban sa administrasyon. Hindi na sila lalabas para maghayag ng kanilang hinaing. Pilit na lang nilang sasarilinin ang kahirapang kanilang dinaranas sanhi ng hindi magandang pagpapatakbo ng gobyerno. Pero, sa isang demokratikong lipunan, likas ang mga karapatan ng sambayanang malayang ipaabot sa kinauukulan ang kanilang saloobin at upang epektibo, ay gawin nilang itong magkakasama. Ang katotohanan nakapaloob sa mga pangyayaring sangkot sina Salem at Esparago ay upang sikilin ang mga karapatang ito na hindi rin magdudulot ng maganda para sa lahat. Sa mga naaapi at nagugutom kasi, sa bundok na nila gagamitin ang mga karapatang ito.