LOS ANGELES (AFP) – Nanguna sa fan vote sina Los Angeles Lakers star LeBron James at Brooklyn Nets main man Kevin Durant at magsisilbing Team Captain sa All-Star Games na gaganapin sa Marso 7 sa Atlanta.
Sasabak si James bilang starter sa ika-17 pagkakataon, habang lalaro si Durant sa All- Star sa ika-11 sa kanyang career. Tanging sina Kareem Abdul-Jabbar (19) at Kobe Bryant (18) ang players sa kasaysayan ng NBA na may pinakamaraming sabak sa All-Star.
Kabilang din sa starter ng Western Conference sina Denver’s Nikola Jokic at Los Angeles Clippers’ Kawhi Leonard (frontcourt) habang sina two-time MVP Stephen Curry ng Golden States at Luka Doncic ng Dallas Mavericks ang starting guards. Sa East, napili naman sina Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee Bucks at Joel Embiid ng Philadelphia (frontcourt), kasama sina Bradley Beal ng Washinton Wizards at Kyrie Irving ng Brooklyn.
Tabla sina Doncic at Damian Lillard ng Portland para sa second West guard spot, ngunit mas maraming nakuhang boto sa fans si Doncic. Kabuuang 50% ang dala ng fans vote,habang tig-25% ang players at media votes.
Ipahahayag ang listahan ng mga reserves sa Martes (Lunes sa Manila) mula sa boto ng mga NBA head coaches. Si Quin Snyder ng Utah Jazz ang cvoach ng West, habang si Doc Rivers ng Philadelphia 76ers ang magtitimon sa East.
NETS 109, LAKERS 98
Sa Los Angeles, hataw si James Harden sa naiskor na 23 puntos, habang tumipa si Joe Harris ng 21 puntos, tampok ang anim na 3-pointer para sandigan ang Brooklyn Nets laban sa Los Angeles Lakers nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).
Ratsada si Kyrie Irving sa naiskor na 16 puntos at pitong rebounds para mahila ng Nets ang winning run sa road game sa 4-0. Hindi nakalaro si Kevin Durant para ipahinga ang ‘strained left hamstring’.
Ratsada si LeBron James sa naiskor na 32 puntos para sa ika-35,000 career point, habang tumipa si Kyle Kuzma ng 16 puntos at 10 rebounds.
RAPTORS 110, BUCKS 96
Sa Milwaukee, pinataob ng Toronto Raptors, sa pangunguna nina Norman Powell na may 29 puntos at Pascal Siakam na kumana ng 27 puntos, ang Milwaukee Bucks.
Nag-ambag si Fred VanVleet ng 17 puntos.
Nagsalansan si Giannis Antetokounmpo ng 23 puntos, 12 rebounds at walong assists.
HEAT 118, KINGS 110
Sa Sacramento, naitala ni Jimmy Butler ang ikatlong sunod na triple-double -- 13 points, 13 assists at 10 rebounds -- ngayong season sa panlo ng Miami kontra Sacramento.
Kumikig si Bam Adebayo ng sariling triple-double -- 16 points, 10 assists at 12 rebounds – para sa kauna-unahang panalo ng Heat sa Sacramento sa nakalipas na limang taon. Nag-ambag si Tyler Herro ng 27 puntos at tumipa si Kelly Olynyk ng season-high 22.