Ni Edwin G. Rollon
KASAYSAYAN ang naghihintay sa maliit na munisipalidad ng Alcantara sa lalawigan ng Cebu bilang host ng Pilipinas VisMin Super Cup – kauna-unahang community-based professional basketball league sa South – sa pagbubukas ng liga sa Abril 9.
Matapos ang muling pagtaas ng kaso ng coronavirus (COVID-19) sa Cebu City, napagkasunduan ng VisMin Cup organizers, sa pakikipagtulungan ni dating PBA star at ngayo’y Cebu City Councilor DonDon Hontiveros, na isagawa ang opening ceremony ng Visayas leg ng liga sa Alcantara – isang coastal area may 85 km ang layo sa lungsod.
“We have only one case of COVID-19 in our municipality. We’re happy for that and we’re closely coordinating with the Department of Health (DOH) to keep the community virus-free,” pahayag ni Alcantara Mayor Fritz Lastimoso sa kanyang pagbisita sa ‘Usapang Sports on Air’ via Zoom ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) nitong Huwebes.
“We expressed our deepest appreciation to the organizers and to Councilor Dondon Hontiveros for choosing Alcantara as venue of the VisMin Cup season-opening. We are ready and ‘safety and health’ protocol is in place,” aniya.
“Alcantara is the best choice for VisMin opening. Although, talagang nanghihinayang kami dahil pinaghandaan na ng Cebu City ang programa, but safety first and with this current situation sa lungsod, it’s better to play the game for the meantime in much safer place,” pahayag ni Hontiveros, tumatayo ring Ambassador ng liga at isa sa ipinagmamalaking pro cager na nagmula sa South.
Inaprubahan ng Games and Amusements Board (GAB) ang naging desisyon ng VisMin organizers na ilipat ang venue sa Alcantara, ayon kay VisMin Cup Chief Operating Officer (COO) Mr. Rocky Chan.
“Nagpapasalamat kami sa GAB dahil sa ibinibigya nilang guidance to make sure that everything is in order, particularly sa ‘safety and health’ protocol under the Joint Administrative Order (JAO), pahayag ni Chan sa forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), PAGCOR at Games and Amusements Board (GAB).
Iginiit ni Chan na bukod sa development ng sports tourism sa South, inilunsad nila ang VisMin Cup upang makatulong na mabigyan ng kabuhayan hindi lamang ang mga players bagkus ang mga officials, technical personnel at maging ang maliliit na entrepreneur.
Ibinida rin niya na kabahagi ng liga ang MDC na tatayong official ball ng Pilipinas VisMin Super Cup.
“Ang daming players, pero konti ang liga kaya marami ang walang mapaglaruan. With VisMin Cup, matutulungan natin sila, mapapalakas pa natin ang sports tourism sa bawat lalawigan,” sambit ni Chan.
Aniya, ang Mindanao leg ay nakatakdang simulan sa unang linggo ng Mayo at nagpahayag ng kahandaan na maging host ang Zamboanga.
Sinabi naman ni VisMin Cup Secretary General Chelito ‘Carz’ Caro na kabuuang 12 koponan na hinati sa dalawang grupo ang kompirmado nang lalahok sa Visayas leg kung saan maglalaro sa double-round elimination.
“Sa target namin mga 29 games lang we’re going to Finals na,” aniya.
Nilinaw ni Caro na bukas ang liga sa lahat, maging sa mga dating PBA players, Fil-foreign players at mga Pinoy na nakabase sa abroad basta pasok sa panuntunan ng liga.
“Foremost siyempre yung homegrown players. Kaya may rules tayo na bawat team kailangan may anim silang players na pinanganak at lumaki sa probinsiya na kakatawin ng team nila. Dapat grassroots ito, kaya hindi puwede yung dati nang nakapaglaro sa pro at commercial league,” sambit ni Caro.