ni Dave M. Veridiano, E.E.

MARAMINGnaghihirap na kababayan natin ang ngayon pa lamang ay nakatutok na sa May 9, 2022 national election at umaasa sa biyayang makararating sa kanila mula sa mga ambisiyosong pulitiko na nag-aagawan na makaupo sa puwesto.

Ang magkakaparehong sentimyento nila – babawi sila sa paparating na halalan upang kahit papaano ay makaahon sa pagkakalugmok dulot ng pandemiyang COVID-19. Sa pagkakataong ito ay gagamitin na raw nila ang kanilang mga mga kokote bago bumoto. Ramdam na ramdam daw nila na “babaha ng pera” kaya’t tatanggap sila – kaliwa’t kanan -- sa lahat ng pulitiko na magbibigay. Hangga’t makakaya ay ipado-doble o triple pa nila ang iaabot “kapalit” ng boto ng kanilang buong pamilya!

Pero kabuntot ng pahayag na ito ay ngisi at kindat na kasunod ng pagsasabi na: “Pero ang talagang pangalan na isusulat namin sa balota ay ‘yung ramdam na makatutulong at magseserbisyo ng tapat sa mga tao – at hindi magnanakaw sa kaban ng bayan!”

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ganyan mismo ang aking narinig at naramdamang saloobin ng mga ito sa kanilang pagkukuwentuhan at balitaktakan habang nagpapahinga, kumakain o naghihintay ng pasahero at mamimili, sa kani-kanilang munting negosyo at trabaho sa mga matataong bangketa, iskinita at kalsada sa pangunahing lugar sa Kamaynilaan.

Sa akin kasing paglalakad – madalas kong ginagawa bahagi ng aking araw-araw na ehersisyo bilang isang senior -- mahilig akong huminto sa mga may umpukan para makinig, at kung minsan pa nga ay nakikisali sa kanilang mga usapan, kapag naririnig kong uminit at maganda ang paksa, lalo pa’t kung ang tinutumbok nito ay tungkol sa kahirapang dinaranas ng nakararami nating mga kababayan.

At karamihan sa paksang aking naririnig ay tungkol sa nababasa nilang mga balita at post sa social media – opo, updated sila sa lahat ng nangyayari sa ating bayan, kahit pa nga yung mga fake news ay abot na rin nila – hinggil sa bilyones na nakawan sa pamahalaan at pagsasamantala ng maraming opisyal para makalikom ng malaking halaga na pang-pondo sa mga manok nila sa paparating na halalan sa 2022.

Maging ‘yung mga kabataan na naghahanapbuhay sa lansangan – sa halip na nasa paaralan at nagsisipag-aral (online learning) – may ipinupunto na rin sa takbo ng pulitika sa bansa. Karamihan sa kanila ay naniniwalang mga kabataan na ang dapat magpatakbo sa ating gobiyerno upang magkaroon ng tunay na pagbabago. Marami silang binanggit na nakaupong mga batang opisyal na pwedeng maging halimbawa pero di ko na sila papangalanan dito.

Ang hindi ko makalilimutang sabi ng isang teenager na nagtitinda ng binusang mani sa Blumentritt sa Sta Cruz, Maynila na tumimo sa aking dibdib: “Malabong mangyari ang sinabi ni Gat Jose Rizal na kaming mga kabataan ang pag-asa ng bayan…dangan kasi parating ang nakaupo sa puwesto ay ang mga nilulumot ng matatandang pulitiko, na pinanday na ang kaisipan sa pagnanakaw sa kaban ng bayan. Ang pumapalit naman sa kanilang puwesto, kundi man nila anak, ay siguradong kamag-anak na pinalaki at pinakain mula sa nakaw na yaman ng bayan!”

Tuwing matatapos ang pakikipag-umpukan ko sa mga kababayan natin na sinasabing nasa laylayan ng lipunan, na ang parating paksa ay ang kahirapan – sa gitna ng pananalasa ng COVID-19 -- at kung papaano makaahon dito, lumalakad akong palayo na may animo punyal na nakatarak sa dibdib.

Umuukilkil kasi sa aking isipan na ang paghihirap ng sambayanang Pilipino ay hindi naman isang aksidente, bagkus kagagawan ito ng mga iresponsableng pulitiko at opisyal ng gobyerno – na kung magiging MAKATAO lamang sa kanilang pagtatrabaho ay mag-aahon sa bansa mula sa balon ng impiyerno!

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]