NEW YORK (AFP) — Naaresto ang isang driver na inakusahan sa pagbundol at pagpatay sa ama ng US rapper na si Nicki Minaj sa isang hit-and-run, sinabi ng pulisya nitong Miyerkules.

Si Charles Polevich, 70, ay kinasuhan ng “Leaving the Scene of an Accident with a Fatality and Tampering with Evidence,” sinabi sa Twitter ng Nassau County police sa New York state.

Ellen Adarna, nag-face reveal ng baby girl nila ni Derek Ramsay

Si Polevich, na sumumpang not guilty, ay pinakawalan nang magpiyansa ng $250,000, sinabi ng kanyang abogado na si Michael Scotto sa CNN.

Ang 64-taong-gulang na ama ni Minaj na si Robert Maraj ay naglalakad sa kalye sa munisipalidad ng Mineola sa Long Island noong Biyernes nang mabangga siya ng kotse.

Tumakas ang drayber mula sa lugar na pinangyarihan at si Maraj ay dinala sa ospital kung saan siya namatay noong Sabado.

Si Nicki, na ipinanganak sa Trinidad and Tobago ngunit lumaki sa Queens na hindi kalayuan sa kung saan nabangga ang kanyang ama, ay hindi pa naglabas ng isang opisyal na pahayag.