MAGANDANG balita na pinahintulutan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), mula Lunes, ang pagtataas ng bilang ng maaaring bumisita sa mga simbahan sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) tulad ng Metro Manila mula 30 patungong 50 porsiyento, at ang pagbubukas muli mula Marso 1 ng mga sinehan hanggang 50 porsiyentong kapasidad.
Isa itong senyales ng bumubuting sitwasyon ng COVID-19 pandemic sa bansa. Simula nitong nakaraang Martes, pinahintulutan na rin ng IATF ang mas maraming dayuhan na makapasok sa bansa, kabilang ang mga dayuhan na may valid working visas, student visas, special investors visas, at special employment generation visas.
Sa buong mundo, bumaba ang bilang ng mga bagong kaso ng virus ng 24 porsiyento sa United States at Canada, 20 porsiyento sa Africa, 18 porsiyento sa Asya, 15 porsiyento sa Europe, 10 porsiyento sa Latin America, at 2 porsiyento sa Middle East. Pinakamalaking pagbaba ang naitala sa Portugal, 54 porsiyento; Israel, 39 porsiyento; Spain, 39 porsiyento; South Africa, 37 porsiyento; Colombia at Japan, 35 porsiyento.
Hindi naman kagandahan ang balita ngayong linggo mula sa Department of Health na natuklasan ang 19 pang kaso United Kingdom variant ng COVID-19, para sa kabuuang 44 na kaso ngayon sa bansa. Tila hindi epektibo laban sa bagong variant ang bakunang ipinamamahagi ngayon sa US at Europe, kaya naman nagkukumahog ngayon ang mga kumpanya ng bakuna na makalikha ng bago na epektibo para sa lahat ng inaasahang variant.
Malaking bahagi ng kasalukuyang suplay ng bakuna na ginagamit ngayon sa US at Europe—ang Pfizer, Moderna, AstraZeneca—ay nakuha na ng mayayamang bansa, kaya naman inorganisa ng World Health Organization (WHO) ang COVAX Facility upang masiguro na ilan sa mga bakunang ito ay para sa distribusyon sa mahihirap na bansa sa mundo, kabilang ang Pilipinas.
Kailangang bigyang-diin na lahat ng bakunang ito ay nabigyan lamang ng Emergency Use Authorization – ang US Pfizer at Moderna vaccine ng US Food and Drug Administration – dahil sa nagaganap na world emergency. Habang ang Russia at China at nag-apruba na ng kanilang pitong sariling kandidatong bakuna.
Inaabot ng limang taon ang ilang bakuna na ngayon ay ginagamit upang makumpleto ang lahat ng kinakailangang pagsusuri upang masigurong epektibo at ligtas ito para sa iba’t ibang grupo tulad ng mga bata at matatanda, kagaya ng bakuna para sa bulutong, tigdas, beke at polio. Disyembre 2019 lamang umusbong ang COVID-19, kaya naman ang kasalukuyang bakuna ay hindi pa dumaraan sa nakasanayang limang taong development at testing period.
Aabutin ng maraming buwan—at para sa maraming bansa, mga taon—bago maisagawa ang malawakang vaccination program. Tayo sa Pilipinas na nagawang mapanatiling mababa ang kaso ay resulta ng maagang restriksyong ipinatupad ng pamahalaan, at ang positibong pagtugon ng mga tao sa limitasyong ipinataw.
Ngayong buwan natin inaasahang masisimulang matatanggap ang US vaccine ngunit ito ay ilang daang libo lamang ng doses, gayong kinakailangan natin ang 70 milyon upang makamit ang mahalagang immunitu para sa 110-milyong populasyon ng bansa. Gugugol ito ng maraming buwan, taon.
Sa huli, nakasalalay pa rin sa tao ang pagharap sa problemang ito, sa naging pagharap natin dito sa nakalipas na mga buwan—gamit ang proteksyon ng face masks at face shields, tamang distansya at personal hygiene.
Sa tila unti-unting pagbubukas muli ng pambansang ekonomiya, sa pagsisimula nating lumabas mula ng tahanan upang magtungo ng palengke, malls, sa paaralan, sinehan, at simbahan, dapat nating panatilihin ang pangangalaga at pag-iingat na nai-develop natin sa mga nakalipas na buwan. Lalo’t nasa paligid pa rin ang COVID-19 virus, handang umatake sa ating pagpapabaya.