ni Dave M. Veridiano, E.E.
HABANG patuloy na naghihirap ang marami nating kababayan dulot ng walang habas na pananalasa ng pandemiya sa buong bansa, lumalaki rin naman ang bilang ng mga mandurugas na sumasakay sa mapinsalang coronavirus 2019 (COVID-19) at nagpapasasa sa perang nakukulimbat nila sa mga madaling mauto na kapwa nila Pilipino. ‘Yun eh – kung mga Pinoy nga ang mga scammer na ito!
Batay kasi sa impormasyong nakuha ko sa mga kaibigan kong matitinik na intel operatives (tiktik) karamihan sa mga mapagsamantalang cyber criminals -- mga manlolokong ang ginagamit sa operasyon ay ang internet sa mga post at advertisement nila sa social media -- ay Chinese at Nigerian nationals na may mga sariling komunidad na rito sa bansa.
Marahil ay nasarapan at nawili sila sa ‘Pinas dahil madaling lokohin ang mga Pinoy – naniniwala agad sa matamis na salita at magandang salestalk – kaya’t sa tulong naman ng mga corrupt na operatiba sa Bureau of Immigration (BI) naging permanente na ang kanilang paninirahan dito, kahit na mga “tourist passport” lang ang kanilang hawak. Ang matindi pa rito, nagkapamilya na sila, nagkaanak sa kabi-kabilang kinakasama na mga Pinay na ginagamit nilang front sa ilegal nilang transaksyon.
Bukod pa rito ang mga opisyales naman ng pamahalaan na halatang may sikretong pakikipagsabwatan sa tusong negosyanteng foreigner na ginagamit ang pandemiya upang magkamal ng milyones – gamit ang takot at kaba ng ating mga kababayan – sa pagbebenta ng kung anu-anong gadget, gamot at bakuna para makaiwas sa nakahahawang COVID-19.
Marahil ay sariwa pa sa alaala n’yo kung paano inianunsiyo sa publiko ng ilan nating matataas na opisyal sa pamahalaan, ang paggamit ng facemask, face shield, bakuna, at ang pinakahuli child seat. Halos kasabay sa paglabas ng kautusan hinggil sa paggamit ng facemask at face shield, ay nagkalat agad ito sa mga merkado – pero sa mataas pang presyo – na pinutakte ng ating mga kababayan upang makasunod sa utos ng pamahalaan.
Marami ring nagoyo ang mga scammer sa bentahan ng face shield at facemask. Sila yung mga maliliit na negosyanteng gustong makabawi sa pagkalugi ng kanilang negosyo pero nadale pa rin ng mga manloloko. Sila ‘yung umorder, nagbayad ng advance para maka-mura, at pinaghintay ng mga scammer sa kahabaan ng Ortigas Avenue sa Greenhills, San Juan City kung saan ibababa ang mga item – pero hanggang sa pumuti na ang uwak ay walang delivery na dumating para sa kanila!
At heto na naman – nito lamang nakaraang araw may mga advertisement sa social media na nagbebenta ng vaccine na gawa ng Pfizer panlaban daw sa COVID-19. May kasamang larawan ang post na isang kahong vaccine na may 50 vials sa halagang P60,000. Halatang-halata na lokohan lang ito dahil kitang –kita sa post na mali ang pag-handle ng bakuna kasi ‘di ito naka-freezer!
Ang mabilis na nag-react dito at nagbigay babala sa publiko ay si Pasig City Mayor Vico Sotto. Agad nag-viral ang tweet niyang ito: “Beware!! Wag bumili sa mga ganito! Picture pa lang kita nang mali ang handling. Maglolokohan lang kayo niyan. Dapat dumaan sa nasyonal na pamahalaan ang pagbili ng kahit anong bakuna. For our safety. Health care frontliners din po ang maunang bakunahan.”
May mga netizen na sumagot din, karamihan ay mga doktor at nagsabing totoo na Pfizer vaccine ang nasa post pero hindi ito para sa COVID-19: “Ganyan po talaga ang packaging ng bakuna na iyan Mayor. Pcv13 po iyan. Antipneumonia po iyan na binibigay sa mga bata hanggang bago mag 1 year old. Free po iyan sa nga health centers. Bigay po ng DOH iyan Mayor @VicoSotto.”
Ganito na lang ba tayo habang may pandemiya -- pakapalan ng mukha at tibay ng sikmura?
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]