ni Czarina Nicole Ong Ki
HINIMOK ng Commission on Human Rights (CHR) ang publiko hinggil sa kaalaman sa pangangailangan ng atensiyong medical para sa mental health problems.
Sa isang post sa Twitter, sinabi ng CHR na ikinatatakot ng mga may problema sa mental health ang pagkabukod sa mga tao at suporta dahil sa paniniwala na hindi ito nagagamot sa kabila na mayroong available na epektibong paggamot para sa mental disorders.
Bagamat iilang bansa lamang ang mayroong legal framework na nagpoprotekta sa karapatan ng mga taong may mental disorders, nagpahayag ng pasasalamat ang ahensiya na pinagtibay ng Pilipinas ang sarili nitong Mental Health Law.
Pinoprotektahan ng batas ng Pilipinas ang mga Pilipinong may problema sa mental health mula sa pang-aabuso, kalupitan at mababang pagtrato. Sinisiguro rin nito sa mga pasyente na makatatanggap sila ng sapat na impormasyon, aftercare, at rehabilitation, ayon sa CHR.
“This includes protection from discrimination in the workplace, schools, homes, and elsewhere,” dagdag pa ng komisyon.
“The keys to ensuring that people receive the care they need are early identification and effective management,”diin pa nito.
Kaalinsabay nito, ang pagpapatiwakal o suicide bilang resulta ng mental health problems ay madalas na hindi iniuulat dahil sa social at religious stigma laban sa mental illness at suicide.
Pagbabahagi ng CHR, isa ang Pilipinas sa may pinakamababang suicide rate sa Asya, sa 2.9 porsiyento kada 100,000 tao. Gayunman, sinasabing ang bilang na ito ay “grossly underreported.”
Bilang pagbanggit sa datos, sinabi ng CHR na halos 800,000 kaso ng suicide ang naitatala sa buong mundo kada taon.
Noon lamang 2012, sinasabing naiulat ang 2,558 kaso ng suicide sa Pilipinas na may kaugnayan sa mental health conditions. Karamihan sa mga biktima ay kabataan na nasa edad 15 hanggang 29 anyos.