ni Bert de Guzman
MAY 133,315 manggagawa ang nawalan ng trabaho nitong Enero 2021 dahil maraming establisimyento ang nagsagawa ng flexible arrangements at pagsasara.
Batay sa pinakahuling Department of Labor and Employment (DOLE) Job Displacement Monitoring Report, lumalabas na may kabuuang 133,315 workers sa buong bansa ang nawalan ng trabaho o nawalan ng kita sa unang buwan ng 2021.
Sa kabuuan, ayon sa DOLE, 108,089 manggagawa mula sa 2,799 establisimyento ang apektado ng tinatawag na flexible work arrangements (FWAs) at pansamantalang pagsasara ng operasyon.
May 25,226 manggagawa mula sa 1,421 establishments ang naapektuhan ng permanenteng pagtigil ng negosyo at retrenchments. Ang bilang ng displaced workers ay tumaas ng 19,741 o 78 porsiyento kumpara sa bilang na ito noong nakaraang taon.
Matigas ang paninindigan ng Palasyo at ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pagpapahintulot na buksan ang mga sinehan sa 50 porsiyentong kapasidad sa mga lugar na may General Community Quarantine (GCQ), kabilang ang Metro Manila.
Ayon sa Malacañang at DTI, ang pagpayag na makapasok ang 50 porsiyento ng mga manonood sa mga sinehan ay muling magpapasigla sa movie industry sa pamamagitan ng 300,000 jobs o trabaho.
“Ito ay ni-review ng mga eksperto sa TWG ng IATF kasama ang DOH, DOLE, DTI, DOT, DILG,DOF at nagsagawa ng extra safety protocols para sa bentilasyon at malinis na hangin,” ayon kay Trade Sec. Ramon Lopez.
Ang tinutukoy niya ay ang Technical Working Group ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, kasama ang Departments of Health, Labor and Employment, Tourism, Interior and Local Government at Finance.
Ang ganitong desisyon ng Malacañang at ng mga departamento ay nagdulot ng pangamba sa mga mayor ng Metro Manila, na bumanggit ng mga panganib sa pagkalat ng virus sa nasabing mga lugar. Hindi rin daw sila kinunsulta sa isyung ito.
Sinabi ni Metro Manila Council (MMC) at Paranaque City Mayor Edwin Olivarez na aapela sila sa desisyon ng IATF na buksan ang mga sinehan sa GCQ areas. Ayon sa Malacañang, ang desisyon ng IATF ay bahagi ng muling pagbubukas ng ekonomiya at sa panahong ang mga Pilipino ay pamilyar na sa mga protocol ng kaligtasan.
Samantala, kinontra si Vice Pres. Leni Robredo ang reopening ng mga cinemas at iba pang tourist attractions sa Metro Manila at iba pang lugar na ang mga kaso ng COVID-19 ay nananatiling mataas. Itinatanong ni VP Leni kung ang ganitong desisyon ay may batayan sa siyensiya (science).
“Ito ay nakababahala, I really don’t know what the science behind it is.” Gayunman, lagi nang sinasabi ng IATF na ang kanilang mga desisyon ay batay sa siyensiya. Para kay Robredo, mas malaki ang panganib sa pagkalat ng COVID-19 sa mga lugar na sarado o enclosed, tulad ng sinehan.