ni Danny Estacio
Natagpuan patay ang isang nawawalang mangingisda matapos mapadpad sa baybayin dagat ng Barangay Balesin, noong Lunes na tanghali, ayon sa ulat ng pulisya.
Ang biktima na positibong kinilala ng kaniyang boat captain na si Danilo Dadizon ay si Roger Umeres, 65, residente ng Calauag, Quezon. Siya ay isa sa mangingisda ng F/B El-John na pag-aari ni Clemente Regencia ng Caridad Ibaba sa Atimonan, Quezon. Ang bangkay ng biktima ay nakita ng mga taga-barangay na iniulat naman ni Barangay Chairman Jamison Rivas sa Polillo PNP dakong 11:00 ng tanghali. Base sa pagsisiyasat noong Pebrero 5, 2021 ang biktima ay isa sa nawawalang mangingisda matapos lumubog ang kanilang bangka habang nangingisda sa karagatan sakop ng Jomalig, Quezon, ayon kay Regencia.
Hiniling ng Polillo PNP na magsagawa ng post mortem examination sa Polillo Rural Health Unit.