ni Bert de Guzman
IPABABAHALA ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa kanyang mga doktor kung anong uri o brand ng COVID-19 vaccines ang ituturok sa kanya dahil siya ay may comorbidities o ibang mga sakit.
Ayon kay presidential spokesman Harry Roque ang pagpapaturok ng bakuna ay kailangang pag-usapan at talakayin ng Pangulo at ng mga manggagamot. Ang isyung ito ay sumulpot nang tanungin si Roque kung papayag si PRRD sa mga bakuna ng Pfizer o AstraZeneca
na unang batches na darating sa bansa sa pamamagitan ng World Health Organization’s COVAX facility.
Kung pahihintulutan daw si Mano Digong na pumili ng gustong bakuna, ibabatay rin niya ang desisyon sa pagsusuri o assessment ng Food and Drug Administration (FDA).
Malimit ihayag ni PRRD sa publiko na mas gusto niya ang Chinese at Russian vaccines, pero ang PH ay nakatakdang tumanggap ng mga bakuna ng Pfizer at AstraZeneca nang mas maaga sa linggong ito. Tinatayang may 177,000 vaccine doses mula sa Pfizer ang darating sa Pebrero.
Nanawagan ang Pangulo sa mga rebeldeng komunista “to observe the rules of humanity” sa pamamagitan ng hindi pagharang sa delivery ng COVID-19 vaccines sa sandaling simulan ng gobyerno ang pagbabakuna sa mga tao sa buwang ito.
Binanggit ni PRRD na hinarang ng NPA kamakailan ang pagkakaloob ng ayuda sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino cash transfer program na hindi kanais-nais. “Umaapela ako sa Communist Party of the Philippines. Pahintulutan ninyong maihatid nang maayos ang bakuna. Kindly observe the rules of humanity.”
Ipinabatid niya sa mga komunista na ang mga bakuna ay binili gamit ang pera ng bayan kung kaya ito ay pera ng mga Pilipino. “Dapat garantiyahan ng CPP na sa paghahatid ng mga bakuna sa mga lugar na walang health officers at medical persons...hindi nila ito gagalawin para maibigay sa mga tao.”
Nag-apologize si National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesman Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. sa mamamahayag na si Tetch Torres-Tupas, na noong una ay ipinahiwatig na ihahabla niya dahil sa pag-uulat sa petisyon ng dalawang Aeta laban sa Anti-Terrorism Act sa Supreme Court (SC).
Sa interview, nag-sorry si Parlade sa paggamit ng mga salitang nagbigay-takot kay Tupas sa kanyang kaligtasan. “Upang tiyakin kay Ms. Tupas na wala kaming intensiyong saktan siya, I’d like to say sorry to those circulating in the news that I am threatening her. I am not.” Wala raw siyang intensiyon na takutin o balaan ang reporter.
Nagpahayag ng pagkaalarma ang bagong AFP chief of staff na si Gen. Cirilito Sobejana sa bagong batas ng China na nagpapahintulot sa Coast Guard nito na paputukan ang mga dayuhang barko na magdaraan sa dagat o lugar na inaangkin sa South China Sea at West Philippine Sea.
Ito aniya ay lubhang nakababahala. “ Para sa akin, ito ay napakairesponsableng pahayag sapagkat ang ating mga kababayan ay hindi nagpupunta roon upang makipaggiyera kundi para maghanap-buhay.”
Tiniyak niya sa mga mamamayan na kikilos ang AFP at tutuparin ang mandato na protektahan ang mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpaparami ng mga patrulya sa West Philippine Sea at pagkakaloob ng tulong sa mga mangingisda