MAGSISIMULA ngayong linggo ang Kristiyanong panahon ng penitensiya, ang Kuwaresma, sa pamamagitan ng Ash Wednesday sa Pebrero 17. Ito ang anim na linggo bago ang Pasko ng Muling Pagkabuhay (Easter Sunday) sa Mahal na Araw (Holy Week). Pinangalanan ang Ash Wednesday mula sa seremonya ng pagpapahid ng abo sa noo ng mga mananampalataya kasama ang wika na “Magsisi at maniwala sa Ebanghelyo” o “Alalahanin mo, o tao, na ikaw ay alabok at sa alabok ikaw ay babalik.”
Ang abo ay seremonyal na inilalagay ng ulo ng mga Kristiyano tuwing Ash Wednesday sa pamamagitan ng pagwisik sa kanilang ulo o, mas madalas, paglalakay ng krus na marka sa kanilang noo. Tuwing Ash Wednesday, tradisyunal na nakikibahagi ang Santo Papa, ang Obispo ng Roma sa isang prusiston mula sa Simbahan ng Saint Anselm patungo sa Basilica of Santa Sabina kung saan, tulad ng nakagawian sa Italy at sa maraming ibang bansa, iwiniwisik ang abo sa ulo sa halip na marka sa noo.
Tradisyon na sa Pilipinas ang paglalagay ng marka sa noo gamit ang abo ngunit nitong nakaraang taon, dahil sa pandemya at pangangailangan na maiwasan ang pagkikisalamuha sa tao, ipinag-utos ng Simbahan ang pagwiwisik ng abo sa ulo sa Ash Wednesday. “The protocols observed previously, I think, will still remain,” pahayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, “so sprinkling of ashes on the head will continue this Ash Wednesday.”
Dahil sa nananatiling restriksyon, pinahintulutan ng Roman Catholic Archdiocese of Manila ang mga pamilya ngayong taon na ipagdiwang ang Ash Wednesday sa kanilang mga tahanan. Sinabi ni Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrator ng archdiocese, na naghanda ang Archdiocesan Liturgical Commission para sa selebrasyon sa pamamagitan ng pagsusunog ng palaspas o iba pang dahon.
Sa Caloocan, sinabi ni Bishop Pablo Virgilio David na mamamahagi ang kanilang mga pari ng abo sa mga hindi makadadalo ng Misa sa Ash Wednesday. “They can follow the Mass through live-streaming and impose the ashes on themselves while it is being done in the parish church,” aniya.
Hindi pa rin pinapayagang lumabas ng kanilang mga tahanan ang mga matatanda at bata dahil sa pandemya. Matagal nang limitado sa 30 porsiyento ang kapasidad ng mga simbahan sa Metro Manila at iba pang lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) bagamat luluwagan na ito sa 50 porsiyento mula sa Lunes, Pebrero 15. Kaya naman, gugunitain natin ang Ash Wednesday sa ilalim ng maraming restriksyon na ipinatupad halos isang taon na ang nakalipas, noong Marso 15.
Tunay na naiibang taon ito ng pagdiriwang ng mga holidays, na nagsimula noong Mahal na Araw ng 2020 nang ipagbawal ang mga pagtitipon na nagdulot ng pagkakansela ng tradisyunal na Visita Iglesia, mga lokal na kapistahan sa buong taon, ang malalaking selebrasyon ng Sinulog, Ati-Atihan, Dinagyang, Pahiyas, at Panagbenga, ang Undas noong Nobyembre, ang Traslacion at pista ng Sto Nino nitong Enero, at balik sa Kuwaresma ngayong buwan.
Sa pagsisimula ng mass vaccinations, maibabalik na kaya ang mga tradisyunal na selebrasyon ngayong taon? O mahaharap pa rin tayo sa mga buwan ng restriksyon sa pagtitipon dahil nananatili ang panganib ng COVID-19 pandemic dito at sa buong mundo?
Anuman ang mangyari sa mga darating na buwan, isipin natin na sa kabila ng lahat ng mga restriksyon, nananatiling malakas at matatag ang pananampalataya ng mga Pilipino. Hindi man sila makapunta ng simbahan sa Ash Wednesday upang makapagpapahid ng abo sa kanilang noo, mananatili namang matatag ang kanilang pananampalataya. Hindi lamang nila ito malalampasan kasama ng pananalig; mapagtatagumpayan at makapagpapatuloy rin sila.