ni Marivic Awitan

KASUNOD ng naging kanselasyon ng ikatlong window ng 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers sa Qatar, inanunsiyo ng FIBA (International Basketball Federation) na muling ibabalik sa Pilipinas ang hosting ng ilang Group games nito.

Ito ang inihayag ni FIBA Executive Director Hagop Khajirian noong Biyernes ng gabi sa kanyang inilabas na statement.

“Fixing the dates of the ‘windows to be created’ under this unexpected and extraordinary situation will still need about 10 days to be finalized,”ayon kay Khajirian.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Matatandaang pormal na kinansela noong Biyernes ng umaga ang hosting ng Qatar ng Group A, B, at E games na dapat idaraos sa Pebrero 17 - 23, dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng may coronavirus (COVID-19)sa naturang bansa.

Ang Group A ay binubuo ng Pilipinas, South Korea, Indonesia at Thailand; kabilang naman sa B ang Chinese-Taipei, Japan, Malaysia at China habang magkakasama naman sa E ang Iran, Syria, Saudi Arabia at Qatar.

Ayon kay Khajirian, apat na national federations na ang nagpahayag ng kanilang suporta sa FIBA sa paghu- host ng isa o higit pang group games na nakansela.

Dapat sana ay gaganapin sa bansa, partikular sa Clark,Pampanga ang third window ng Group A at Group C na kinabibilangan ng Australia, New Zealand, Guam at Hong Kong. Ngunit hindi ito natuloy dahil sa ipinatupad na travel ban ng gobyerno kaya nalipat ito sa Qatar hanggang sa nakansela.

Kaugnay ng mga nasabing kaganapan, hindi na palalaruin ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para sa Gilas Pilipinas sa third window ng FIBA Asia Cup qualifiers si Kai Sotto.

Ayon kay SBP director for operations Butch Antonio, hahayaan na nilang bumalik ang 18-anyos na center sa US upang maglaro para sa Ignite sa NBA G League bubble sa Orlando.

“Nag-pullout na siya sa bubble. He has to continue his quarantine in his residence. We’re working with him and his group in the US to make sure that there is time for him to join his team at makasali siya sa team niya na Ignite. Hopefully by next week, maayos na yun.”

Bagamat ibinalik ng FIBA ang hosting sa Pilipinas, wala pa itong schedule kung kaya minabuti ng SBP na pabalikin na si Sitto sa US para ipagpatuloy ang career nito sa NBA G League.