ni Marivic Awitan
INIHAYAG ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang tatlong manlalaro na plano nilang piliin sa Gilas round ng darating na 2021 PBA Rookie Draft.
Ang tatlong manlalaro na nakatakda nilang piliin ay sina Jaydee Tungcab, Tzaddy Rangel at Jordan Heading.
“The SBP, as always, is thankful to the PBA for its cooperation as we build towards the Philippines’ hosting of the 2023 FIBA Basketball World Cup with Japan and Indonesia,” pahayag ni SBP President Al Panlilio. “We were able to secure five players from the Gilas Draft in 2019 and we’re happy to welcome three additional talents in Jordan Heading, Tzaddy Rangel, and Jaydee Tungcab.”
Ang tatlong nabanggit na mga manlalaro ay nakatakdang kunin ng mga koponang Terrafirma, NorthPort at NLEX ayon sa pagkakasunud-sunod sa darating na Draft sa Marso 14.
Si Tungcab na isa ng Gilas cadet ay isang 6-foot-2 combo guard mula sa University of the Philippines kung saan nakilala ito bilang isang lockdown defender. Isa namang 6-foot-2 floor general mula sa Christian Baptist School si Heading na naglaro sa Batang Gilas noong 2011 FIBA Under-16 Asian Championship.
Produkto naman ng National University ang 6-foot-8 big man na si Rangel. Kapwa nakapaglaro na sina Heading at Rangel sa Alab sa Asean Basketball League(ABL).
Ang tatlong nasabing mga manlalaro ay makakasama nina Isaac Go, Matt Nieto, Mike Nieto, Rey Suerte, at Allyn Bulanadi bilang mga full-time members ng Gilas Pilipinas pool.
“Over a short span, we’ve seen the development of the program and of the players’ individual talents as well and we’re confident that the upcoming Gilas draftees will benefit greatly under Program Director Tab Baldwin and his outstanding staff of coaches.”