ni Mary Ann Santiago
Pinayagan na ng Simbahang Katolika ang opsiyon na sa kani-kanilang mga tahanan na lamang sunugin ng mga mananampalataya ang kanilang lumang palaspas, kung hindi nila madadala ang mga ito sa mga simbahan, upang magamit ang mga abo nito sa Ash Wednesday sa darating na Pebrero 17.
Ang Ash Wednesday ay hudyat ng pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng committee on public affairs ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), dapat pa ring dalhin sa simbahan ang mga palaspas, gayunman, kung hindi talaga madadala ng mga pamilya ang kanilang lumang palaspas sa simbahan para sunugin, ay binibigyan nila ang mga ito ng opsiyon na sa bahay na lamang isagawa ang pagsunog.
“Dapat pa ring dalhin sa simbahan. Pero meron kasing pagkakataon na hindi pwedeng lumabas ang mga tao ng bahay kasi nga may mga age restrictions, kaya nagkaroon din ng option na ‘yung mga family pwede rin nilang sunugin ang mga palaspas na meron sila, lalong-lalo na ‘yung ‘di rin naman sila makakasimba sa araw na yan,” paliwanag ni Secillano, sa isang panayam sa teleradyo.
Paglilinaw naman ni Secillano, hindi basta-basta lamang sinusunog ang mga palaspas dahil may ritwal aniya na sinusunod para dito.
Aniya, mayroon naman silang kopya ng naturang ritwal na maaaring ipamigay at matatagpuan na rin sa Facebook account ng mga Parokya.
“Merong ritwal na dapat gawin at meron kaming kopya n’yan, pwede naming i-disseminate ‘yan at nasa Facebook account ng mga parokya. Andoon ang ritwal na babasahin, dadasalin ng mga pamilya para magawa ang pagsusunog ng palaspas,” aniya.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Secillano na magpapatupad pa rin ng pagbabago ang simbahan hinggil sa pagdiriwang ng Ash Wednesday dahil pa rin sa nananatiling banta ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Aniya, sa halip na ipahid sa noo ang abo ay ibubudbod na lamang ito sa tuktok ng mga tao.