ni Marivic Awitan

DALAWANG gold medals ang idinagdag ng Filipino karateka at world no.1 e-kata athlete na si James de los Santos bilang panimula sa taong 2021.

Nagwagi si De Los Santos sa idinaos na 1st Inner Strength Martial Arts International eTournament kung saan tinalo nya si Nejc Sternisa ng Slovenia sa finals, 25.4-24.6.

Nauna rito noong nakaraang Enero 30, namayani din ang 30-anyos na karateka sa first leg ng prestihiyosong 2021 SportData eTournament World Series. Doon ay tinalo nya si Silvio Cerone-Biagoni ng South Africa sa finals, 25.3- 24.5 .

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“There will be more tournaments ahead, and this is a great motivator to start with,” ani De Los Santos.

Dahil sa panalo, umabot na sa 38 ang nakukulektang gold medal ni De Los Santos mula noong magsimula syang lumahok sa mga virtual kata tournaments noong isang taon sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Pinatatag din nito ang kanyang pangunguna sa eKata world rankings sa natipon nyang 19,470 points.

Pumapangalawa sa kanya si Matias Moreno-Domont ng Switzerland na mayroong 10,020 points at pangatlo si Cerone-Biogioni na merong 9,090 points.