Sinaluduhan ni Finance Secretary Carlos Dominguez IIIang Bureau of Customs sa kanilang anibersaryo nitong Martes. Ayon sa kanya, magaling na naging trabaho ng nasabinng ahensya nitong nakaraang taon sa kabila ng pinagdadaanan nito bunsod na rin ng COVID-19 pandemic.
Matagal nang nakakaladkad ang pangalan ng ahensya bilang isa sa pinaka-tiwaling government agency ng bansa.
Nang manungkulan si Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang hahalan noong Mayo 2016, inanunsyo nito na nahaharap siya sa malaking problema sa paghahanap ng tamang mamumuno sa Bureau of Customs, kasama na rin ang Bureau of Internal Revenue at Land Transportation Office.
Matapos ang sunud-sunod na pagtatalaga ng mga opisyal mula pa noong 2016, nakakuha pa rin ang mga ahensyang ito ng makabuluhang pag-angat sa kani-kanilang operasyon, gayunman mahirap pa ring matalo ang anyo ng korapsyon. Isang malaking balita ang pagkakapuri ni Dominguez sa Bureau of Customs ngayong linggo.
Pinuri nito ang kawanihan para sa naging mahusay na pagtatrabaho nito nang malagpasan ang puntiryang koleksyon sa kabila ng pagbagsak ng mga negosyo na nagresulta sa pagbalusok ng ekonomiya ng bansa na dulot ng pandemya.
Pinapurihan din nito si Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero nang gawin nitong moderno ang serbisyo ng kawanihan sa pamamagitan ng digital technology na nagpabilis sa pagpapalabas ng mga kargamento sa kabila ng pandemya. Sa panahong halos bumagal ang lahat ng economic activity sa bansa, naging mahusay pa rin ang BOC sa pagkolekta ng P539.763 bilyon noong 2020, lagpas ng anim na porsyento sa puntiryang P506.2 bilyon.
Naisakatuparan din ng kawanihan ang kampanya laban sa smuggling nang masamsam ang P10.62 bilyong halaga ng importations na lagpas kalahati nito ay iligal na sigarilyo at iba pang produkto ng tabako. “This sends a clear message that this administration will fight smuggling to the very end,” pagbibigay-diin ni Dominguez.
Pinahalagahan din ni Dominguez si Guerrero na kaagad na sinibak ang kanyang chief of staff noong Agosto 2020. Naging tuluy-tuloy na ang ipinatupad na pagbabago sa mga tauhan at operasyon ng kawanihan hanggang sa mapahusay ang serbisyo nito, tumayo mula sa dating reputasyon na isa sa pinaka-corrupt na ahensya ng gobyerno.