ni Dave M. Veridiano, E.E.
NGAYONG panahon ng pandemya, karamihan sa ating mga kababayan ay gumagamit ng electronic banking system – sa kanilang pambayad o ‘di kaya ay sa pera na kanilang tinatanggap – na pinararaan sa mga bangko at online financing institution na kung tawagin ay “pera padala” system.
Sa mga maliliit na kumpanya ng mga “pera padala” bihira ang nagiging problema ng mga claimant ng cash “remittances”, pero ang nakagugulat ay ang naging sobrang paghihigpit naman ng isang malaking bangko na ang hinihinging requirements – para makuha agad ang cash na padala ng remitter -- mula sa “claimant” ay tila wala na sa lugar!
Mantakin mo naman, asang-asa ka sa makukuha mong pera sa bangko na ipinadala s’yo para pandagdag man lang sa pambili ng gamot at konting abubot, pero bokya ang makukuha mo dahil nang tanungin ka ng teller kung anong date ang birthday nung nagpadala s’yo ng pera (remitter) ay ‘di mo masagot. Eh paano na kung katulad kong senior ang magke-claim ng “pera padala” na mismong birthday pa nga ng dati kong GF ay nakalilimutan ko pa?
May nangyaring ganito nito lamang nakaraang linggo at sa sobrang pagka-asar ng claimant, agad itong nagreklamo sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) – hindi dahil kailangang-kailangan niya ang pera, bagkus ayaw niya kasing danasin ito ng mga katulad niyang senior citizen na ang tanging inaasahan ay ang kanilang tinatanggap na remittances.
Ang reklamo ay docketed ngayon bilang CX-2021-0127-001-ENP sa BSP’s Consumer Protection and Market Conduct Office (BSP-CPMCO). Ang nagreklamo – si Koyang Hipolito U. Gagni, isang iginagalang na mamamahayag (business editor / publisher) na taga-Pateros City.
Sabi ni Koyang Lito sa kanyang reklamo: “I am filing a complaint against ____, where I was denied the money meant for me via remittance that was sent to me and for which I was sent a text message from California, USA simply because I cannot provide the birthdate of the remitter.”
Nangyari ito noong January 26, 2021 nang sabihan siya ng teller na hindi niya makukuha ang $200 (converted na sa P9,614) dahil hindi niya masabi kung kailan ang birthdate nung remitter.
Dagdag pa sa reklamo: “I would like then to file this complaint for the Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) to come out with a Memorandum Circular that would address this additional requirement, an unnecessary burden being imposed for Over the Counter satisfaction of the ___bank rule that sets an extra layer of burden for a beneficiary of a remittance.”
Ang ipinuputok ng butse ni Koyang Lito ay naipakita niya na raw ang lahat ng kailangan, gaya ng mga valid ID, senior citizen ID card, press card ID, DWIZ ID kung saan siya may regular na programa. Lahat ng ito ay may address na siya mismong nakasulat sa resibo na ipinadala ng remitter, pero binalewala pa rin ng bangko dahil ‘di niya masabi ang birthdate ng nagpadala sa kanya ng pera!
“The BSP should have a clear-cut circular on this as a beneficiary , who is in -----need of money to, say buy blood for a relative in the hospital, will be denied the remittance because he/she cannot state the birthdate of the remitter,” ani Koyang Lito sa reklamo.
Nga pala, yung pera ay ‘di para sa maintenance drugs ni Koyang Lito – kasi malakas pa raw siya sa kalabaw – kundi pambili ito ng ipinangako niyang printer sa isang “depressed community” sa kanilang probinsiya sa San Fabian, Pangasinan para sa printing ng mga modules na gagamitin ng mga estudyante sa naturang lugar.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]